Ni: Francis Wakefield at Fer Taboy

Kinumpirma kahapon ni Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla na sa kabuuan ay 461 na ang nasawi sa bakbakan sa Marawi City.

May kabuuang 337 sa nasabing bilang ay mga terorista, 85 sa panig ng militar at pulisya, at 39 naman ang mga napatay na sibilyan.

Ayon kay Padilla, nasa 1,717 na ang na-rescue mula sa siyudad, habang 410 armas ang nasamsam mula sa Maute Group.

National

Hontiveros, inanunsyo na petsa ng pagdinig ng Senado hinggil kay Quiboloy

Sinabi rin ng militar na nabawi nito mula sa Maute noong Lunes ang Dansalan College, isa sa mga pangunahing pinagkukutaan at pinupuwestuhan ng mga sniper at terorista sa Marawi.

Kinumpirma rin ng militar na natagpuan nila sa lugar ang bangkay ng isang dayuhang terorista, na pinaniniwalaang isang Singaporean.

Kumpiyansa naman si Brig. Gen. Rolando Joselito Bautista, commander ng Joint Task Force Marawi, na malapit na nilang mapalaya ang Marawi sa mga terorista.

Samantala, umabot na sa 66 na katao ang naaresto sa pagkakasangkot sa rebelyon sa Marawi, kabilang si dating Mayor Fajad Salic, na umano’y financier ng Maute.