Ni: Vanne Elaine P. Terrazola at Jun Fabon
Sa rehas ang bagsak ng isang bus driver at isang konduktor matapos nilang hamunin at gulpihin ang mga traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dahil sa paglabag sa batas-trapiko sa Cubao, Quezon City kamakalawa ng hapon.
Kasalukuyang naghihimas ng rehas sa Cubao Police Station (PS-7) sina Eddie Magangcong, Jr., 38, at Kim Lester Padilla, 22, sa panggugulpi kina Roberto Supan at Rodel Abanil sa kahabaan ng EDSA northbound lane malapit sa P. Tuazon Boulevard sa Barangay Socorro, Cubao, bandang 3:30 ng hapon nitong Lunes.
Sina Magangcong at Padilla, na kapwa nakatira sa Sampaguita Street, Maligaya Park, Bgy. Pasong Putik, ay driver at konduktor ng Metro Manila Bus Corporation bus na may biyaheng SM Fairview hanggang Baclaran.
Nakunan ng video, na ibinahagi sa Facebook ni Zaint Rayaj Ocampo, ang away-trapiko. Ito ay ibinahagi ng 37,000 beses sa mga oras na ito.
Ayon sa awtoridad, nagmamando ng trapiko ang dalawang enforcer nang hulihin nila ang bus sa paglabag sa No Loading and Unloading Zone.
Hiningi nila ang lisensiya ni Magangcong ngunit sa halip na sumunod, bumaba siya at si Padilla mula sa bus at sinugod ang mga enforcer.
Nakita sa video ang nanghihinang si Supan at nililinis ang kanyang sugat na natamo sa panggugulpi.
Matapos nito ay bumalik sa bus ang mga suspek at ikinando ang pinto.
Bago pa man makatakas ang mga suspek, humingi ng tulong ang mga biktima sa mga tauhan ng PS-7 at tuluyang inaresto ang driver at konduktor.
Direct assault ang isasampa laban kina Magangcong at Padilla.