Ni: Dave M. Veridiano, E.E.
TAG-ULAN na naman. Opisyal na itong idineklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA). Kasabay ng panahon ng tag-ulan ang pagkalat ng mga sakit, na kung ituring natin ay simple lamang, gaya ng SIPON, UBO, LAGNAT na nauuwi sa TRANGKASO (flu).
Bukod dito, may iba pang mga sakit na naglilitawan tuwing tag-ulan; gaya ng typhoid at diarrhea, na dulot ng kontaminadong pagkain at inumin; dengue at malaria, na dulot naman ng mga lamok na galing sa mga naipong tubig sa tabi-tabi; leptospirosis, na kumakalat dahil sa paghahalu-halo ng ihi ng mga daga sa baha; cholera at hepatitis type A, nakukuha naman sa mga pagkaing nagsilbing playground ng mga langaw.
Sa tala ng Department of Health (DoH), ang mga sakit na naglilitawan tuwing tag-ulan ay tinatawag na “water-borne disease” at madali umano itong maiwasan kung pananatilihin nating malinis ang ating kapaligiran at magiging maingat sa paghahanda, pagluluto, at pagtatago ng pagkain at inuming tubig. Bukod dito, kailangang mapanatiling malinis at malusog ang ating katawan sa pamamagitan ng pagkain ng masusustansiya; gaya ng isda, prutas at gulay upang masugpo at maiwasan ang pagkakasakit.
Mabilis kasing kumalat ang mga sakit na ito dahil madali itong makahawa sa ibang tao. Sa simpleng paghawak sa kamay ng may sakit, paggamit sa kanilang mga gamit, at pag-ubo nila nang hindi nagtatakip ng bibig, ay sapat na para makahawa.
Sa panahong ito ng “water borne disease,” ang unang nagkakaproblema ay ang mga kababayan nating naghihikahos o ‘yung mga nakatira sa matataong lugar na kahit ano’ng gawin nila ay hirap panatilihing malinis ang kanilang lugar – eh, paano mo ba malilinis ang nagbuburak na estero at imburnal na ‘di kalayuan sa kinatitirikan ng kanilang mga bahay?
Kasama na rin dito ang mga kababayan nating nasa mga liblib na lugar sa kanayunan na bihirang marating ng mga tulong pangkalusugan mula sa DoH at DSWD. Tila naaalala lamang sila ng ating mga mabunying opisyales kapag napailalim na sa delubyo – ‘di ko ito imbento. Ilan lamang ito sa mga reklamong natatanggap ng IMBESTIGADaVe mula sa ating mga kababayan sa mga nasabing lugar, sa pamamagitan ng mga text nila sa akin.
Kasama sa mga reklamong ito ang pagpunta raw nila sa mga “health center” sa kanilang lugar para humingi ng paunang lunas sa tatlong pangunahing sakit na nakukuha nila ngayong tag-ulan – UBO, SIPON, LAGNAT na nauuwi sa TRANGKASO…
Kadalasan daw ay walang doktor para makapagpasuri sila, kundi mga nurse lamang na ang gamot na naibibigay ay PARACETAMOL... – at para na ‘yun sa lahat ng kanilang nararamdaman. WOW, parang wonder drug at pang-CURE ALL na pala ang gamot na ito!
Sabi nga ng isang estudyanteng nag-text sa akin mula sa isang barangay sa Nueva Ecija sa gitnang Luzon, kamakailan lang daw ay napag-alaman nila sa subject na Araling Panglipunan na ang DoH ay isa sa mga may pinakamalaking budget.
Kung totoo ito ay bakit daw kahit “generic drug” para sa mga simpleng sakit ay walang nakararating sa kanila?
Tandaan – BAWAL MAGKASAKIT NGAYONG TAG-ULAN kasi mahal ang magpagamot!
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]