Ni ARIEL FERNANDEZ
Parang nasa pelikulang sinagip ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) 1 medical team ang buhay ng isang bagong silang na sanggol na inabandona sa basurahan, bandang 10:30 ng umaga.
Unang nakita ni Maricel Guliman, building attendant, ang isang babae, tinatayang nasa edad 22-33, na labas-pasok sa cubicle.
Sinabi ni Guliman na pumasok sa banyo ang babae, na nakasuot ng asul na leggings, puti at asul na T-shirt at asul na shoulder bag, habang siya ay may hinuhugasan sa lababo.
Muli niyang nakita ang babae na lumabas sa cubicle at may hawak na napakaraming tisyu habang ibinabad nito sa tubig ang kanyang panyo at muling pumasok sa cubicle.
Makalipas ang ilang minuto, lumabas na naman ang babae sa cubicle na tila walang nangyari.
Dahil sa curiosity, pinasok ni Guliman ang cubicle at nasilayan ang dugo sa ibabaw ng bowl at sa sahig.
Binuksan niya ang trashcan at napansin na ito ay mabigat, kaya agad siyang tumawag ng security guard upang alamin ang laman.
Dahil sa kaba, humingi ng tulong ang guwardiya sa medics at sa kanila pinabuksan hanggang sa nadiskubre ang naghihingalong bagong silang na sanggol.
Ayon kay Guliman, tatlong doktor at limang nurse ang sumugod at isa sa kanila ang nag-pump sa dibdib ng sanggol at tuluyang umiyak at isinugod sa pinakamalapit na ospital sa Pasay City.
Nasa maayos nang kondisyon ang sanggol habang nagsasagawa na ng imbestigasyon ang airport police at ang PNP Aviation Security Group upang matukoy ang pagkakakilanlan ng nag-iwan sa bata.