Ni: Liezle Basa Iñigo
BALUNGAO, Pangasinan – Daan-daang katao, kabilang ang mga opisyal at kawani ng munisipyo, mga barangay official, at mga residente, ang nagsagawa kahapon ng rally sa harap ng himpilan ng Balungao Police upang ipahayag ang kanilang sentimyento sa umano’y hindi makatwirang paghahain ng search warrant ng mga pulis.
Anila, ang mga pulis dapat ang nagsisilbing tagapagpatupad ng kapayapaan at nagbibigay ng proteksiyon, subalit ang anila’y kaduda-dudang paghahain ng search warrant ng mga ito ay naghahatid ng takot sa mga residente.
Ayon naman kay Senior Insp. Raymund Nicolas, hepe ng Balungao Police, tatlong barangay chairman at isang kagawad ang inaresto sa pagpapatupad nila ng search warrant sa kasong illegal possesion of firearms and ammunition.
Ipinaliwanag ni Nicolas na lahat ng search warrant na inihahain ng pulisya ay suportado ng presensiya barangay officials.
“Mabubuting tao ang mga ‘yan, bakit sila nasasangkot sa ganyang krimen? Kaya tuloy ang ibang residente ay natatakot sa halip na maging kampante,” sabi ni Joselito Peralta, presidente ng Liga ng mga Barangay.
Samantala, nanawagan naman si Mayor Philip Peralta sa pulisya na maging patas at transparent sa paghahain ng search warrant.
“Peaceful po ang ating bayan, huwag nating gawin nakakatakot para sa mga turista,” sabi ni Peralta. “Hindi po tayo nagkanlong ng kriminal.Dapat ipatupad natin nang tama ang batas at protektahan ang mamamayan sa halip na magkaroon sila ng takot sa pulis.”