Ni: Nora Calderon
SI Harlene Bautista ang alter ego o pinagkakatiwalaan ng nakatatandang kapatid na si Quezon City Mayor Herbert Bautista para humarap sa mga tao kapag wala siya. Kaya si Harlene ang umasikaso at nakatsikahan ng entertainment press sa birthday celebrations na hindi kinaliligtaang gawin ni Mayor Bistek taun-taon.
Nasa Berlin at palipat na ng London si Mayor Bistek noong Friday, June 30, para sa mga April-May-June celebrants at noong July 1, sa mga July-August-September celebrants na ginanap sa Salu Restaurant sa Scout Torillo St., Quezon City, na pag-aari ni Harlene at ng asawang si Romnick Sarmenta.
“Hindi ko matanggihan ang offer sa akin ni Direk Brillante Mendoza na gawin ang Brillante Mendoza Presents Anak,” kuwento ni Harlene. “Hindi naman sa ayaw ko nang mag-artista, kaya lang mahirap ang oras ng trabaho, hindi ko na kayang magpuyat. Lima ang inaalagaan kong anak, bawal na akong magpuyat dahil tumataas ang BP (blood pressure) ko.”
Noong 2010 pa pala ang huling teleseryeng ginawa niya, ang First Time sa GMA-7.
“Nami-miss ko rin ang acting pero marami rin akong ibang inaasikaso pa, tumutulong ako kay Kuya (Herbert), nagpupunta rin ako sa mga barangay. May nagtatanong nga kung ano raw ang tatakbuhan ni Kuya pagkatapos ng kanyang term ngayon, sagot ko, hindi pa napag-uusapan. Kapag ganoon kasi buong family na ang nagdedesisyon. Maayos na si Hero, at malapit na siyang lumabas. Medyo matagal pa naman ang term ni Kuya.”
Ayaw pang isipin ni Harlene kung papasukin niya muli ang pulitika. Matatandaan na naging Sangguniang Kabataan chairman na siya. Pero iba-iba raw ang dating sa kanya kapag umaarte siya at tumutulong sa kapwa.
“Iba ang fulfilment kapag tumutulong ka sa mga tao, sa mga barangay. Kapag gumawa ka naman ng pelikula at nakita mo ang ginawa mo at successful, iba rin, masaya ang feeling mo. Kapag umarte ka naman at napuri ka, masaya rin. At iba rin ang fulfilment ko rito sa pag-aasikaso sa Salu. Kapag nakikita mong happy ang mga customers at nagustuhan ang mga menu mo, iba rin ang nararamdaman namin ni Romnick.”
Seventeen years na silang kasal ni Romnick.
May mahilig bang mag-artista sa mga anak nila?
“Meron silang hilig pero hindi sila nagpipilit dahil alam nilang mas gusto naming makatapos muna sila ng studies nila. Kaya nakatutuwa dahil mas inuuna nila ang studies nila kaysa mag-showbiz,” kuwento ni Harlene.