WISCONSIN (AP) – Isang maliit na eroplano ang nawasak sa kalawakan at bumulusok sa isang kalsada sa hilaga ng Wisconsin, na ikinamatay ng anim kataong sakay nito, sinabi ng tagapagsalita ng National Transportation Safety Board nitong Lunes.
Bumulusok ang Cessna 421 dakong 3:21 ng umaga noong Sabado. Nagmula ang eroplano sa Waukegan, Illinois, at lumilipad patungong Winnipeg, sa lalawigan ng Manitoba, Canada, ayon kay NTSB spokesman Eric Weiss.
“The debris field suggested an in-flight break up,” ani Weiss.
Kinilala ang anim na namatay na sina Kevin James King, 70-anyos; Thomas DeMauro, 56, Kyle DeMauro, 21; James Francis, 63; Charles Tomlitz, 69; at George Tomlitz, 45. Patungo ang mga ito sa Canada para sa isang fishing trip.
Inaalam pa ng mga imbestigador kung anong uri ng panahon ang nakasalubong ng eroplano at kung ito ang naging dahilan ng pagbulusok.