Ni: Mary Ann Santiago

Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang isang tricycle driver na pinagbabaril sa ulo ng anim na lalaki, na pawang lulan sa motorsiklo, sa Mandaluyong City kamakalawa.

Tinangka pang isugod sa Mandaluyong City Medical Center ngunit namatay din si Bonifacio Buluran, 46, ng 187 Saniboy Street sa Barangay Hulo ng nasabing lungsod, at dating miyembro ng Makati Public Safety Assistance (MAPSA).

Sa ulat ni PO2 Anthony Dacquel, ng Mandaluyong City Police, kay Eastern Police District (EPD) Director Police Supt. Romulo Sapitula, nangyari ang pamamaril sa tapat ng Treetop Villas condominium na matatagpuan sa Coronado Extension, Bgy. Hulo, bandang 3:50 ng hapon.

Internasyonal

Pope Francis, may inelbow na Cardinal; hindi raw pwedeng sumali sa conclave?

Minamaneho ni Buluran ang kanyang tricycle nang sumulpot ang anim na suspek at pinagbabaril ang una bago nagsitakas.

Anim na fired cartridge cases, apat na deformed bullet at tatlong jacket ng bala ang narekober sa pinangyarihan.

Sa inisyal na imbestigasyon, lumitaw na posibleng may kinalaman sa ilegal na droga ang krimen nang matukoy na kabilang sa drug watch list ng kanilang barangay si Buluran.

Patuloy na gumugulong ang imbestigasyon.