Ni: Jeffrey G. Damicog
Nagpasaklolo sa Public Attorney’s Office (PAO) ang mga pamilya ng nasa 10 sa mga nasawi sa pag-atake sa Resorts World Manila para sa iginigiit nilang danyos mula sa pamunuan ng casino-hotel.
Sinabi naman ni PAO Chief Persida Acosta na nagpapatuloy pa ang mediation ng ahensiya sa mga pamilya ng mga biktima at sa pamunuan ng establisimyento.
“About 10 families have sought PAO assistance,” ani Acosta.
Ayon kay Acosta, nakatatlong pulong na ang pamilya ng mga biktima sa pamunuan ng casino-hotel at sa nasabing mga paghaharap ay nagpahayag umano ng kahandaan ang huli na magbayad ng danyos sa mga nabiktima.
“Willing naman. Issue lang kung magkano, kung magkakatawaran sila,” ani Acosta.
Matatandaang 38 katao, kabilang ang suspek na si Jessie Javier Carlos, ang nasawi sa nasabing pag-atake.