Ni ADOR SALUTA
KASABAY ng story conference ng pelikulang Seven Sundays na pagbibidahan nina Aga Muhlach, Dingdong Dantes, Cristine Reyes at Enrique Gil, ipinahayag din ni Cathy Garcia-Molina ang pagba-back out sa sinimulang seryeng La Luna Sangre.
Bago ang kanyang rebelasyon, naitanong kay Direk Cathy kung paano niya hahatiin o pagsasabayin ang pagdidirihe sa La Luna Sangre at Seven Sundays ng Star Cinema.
Mahinahong sinabi ni Direk Cathy na pansamantala muna siyang titigil sa pagdidirek ng teleserye para makatutok sa sisimulang pelikula.
“I got out of La Luna already para makapag-concentrate na po ako dito kaya goodbye La Luna na po ako,” sabi ng mahusay na lady director.
Ang katuwang si Direk Richard Arellano ang maiiwan sa sikat na serye at papalitan naman siya ni Direk GB Sampedro, ang direktor ng Pusong Ligaw.
“Si Direk Richard Arellano po ang direktor at makakasama si Direk GB Sampedro at ang magagaling na fight directors doon. Salamat sa lahat ng nanonood ng La Luna,” sabi ni Direk Cathy.