Ni REGGEE. BONOAN

KUWENTO ni Alessandra de Rossi, tuwang-tuwa ang mga Hapones nang makibahagi ang pelikula nila ni Empoy Marquez sa Osaka Film Festival 2017 sa Japan nitong nakaraang Marso 12.

“Gusto ko sanang manalo si Empoy noon ng Best Actor, ‘kaso wala namang Best Actor or Best Actress doon, parang special awards lang, sana meron, ang ganda-ganda kasi,” nakangiting sabi ni Alex nang makatsikahan namin pagkatapos ng Q and A ng media launch ng Kita Kita sa Luxent Hotel nitong Martes.

Sabi namin kay Alex, ‘Sawa na siya sa awards’ kaya hindi na niya ito hinahangad.

Mga Pagdiriwang

KILALANIN: Pinoy legends sa basketball court

ALESSANDRA AT EMPOY copy

“Hindi na kasi kasya sa house,” ganting sagot sa amin.

Ano ang reaksiyon niya noong malaman niya na si Empoy ang leading man niya sa Kita Kita?

“Umiyak ako,” sabay tawa pero sabay bawi rin. “Natuwa ako kasi kakaiba ‘yung kuwento, kasi kung katulad din ng iba (guwapo ang leading man), walang iba. Kasi puwede namang gawin ito ng ibang artista, eh, ‘tong kuwentong ‘to,” sabi ng aktres.

Unforgetable experience para kay Alessandra ang shooting nila ng Kita Kita sa Osaka rin.

“Well, nu’ng first time ko kasi sa Japan, sa city ako, like sa Tokyo, ganu’n. Sabi ko sa mga friends ko, ‘hindi ako nag-enjoy kasi in three days ko doon, nakalimutan kong magdasal, hindi ko kasi nakita si God, kasi puro building, nakatakip ang sky, wala akong makitang clouds, wala akong makitang sunrise, hindi ko nakita ang sunset. Walang moment to stop and thank the Lord.

“Pero dito, since probinsiya, sunrise at sunset at nakita ko si God sa bawat sulok, ‘yun siguro... na-appreciate ko ang Japan, pang-ano talaga ako, countryside girl.

“So everyday busy kami. Like five hours lang tulog namin everynight kasi nga sunud-sunod, at ngayon ko lang naranasan na lahat ng eksena sa movie ikaw o kami, kasi dalawa lang naman kaming cast sa movie, eh, as in wala ka talagang break.”

“Fifteen days kami sa Japan pero on the fifth day, palpak na ‘yung ganito, palpak na ‘yung ganyan. Kaya tanong ni Direk (Sigrid Andrea Bernardo), ‘Bakit, ano’ng nangyari?’ Sabi ko, ‘Eh, kasi Direk, limang araw na tayong hindi natutulog.’

“Kaya binigyan kami ng break para makatulog ng eight hours at para makapag-recharge,” paglalarawan ng leading lady ni Empoy.

Dagdag pa ni Alex, “Alam naman naming kailangan naming magsakripisyo kasi wala ka sa sarili mong bansa, mahal ang binabayaran mo sa lahat.”

Habang nagso-shoot sina Alex at Empoy ay nakapamasyal na rin sila dahil kung ano ‘yung mga lugar na pinuntahan nila para sa mga eksena ay pasyal nang matatawag.

“Kasi kung ako lang naman ang pupunta ro’n mag-isa, hindi ako makakapamasyal dahil sa tamad ko.”

Ang Kita Kita pa lang ang unang romantic-comedy film ni Alex simula nang maging artista siya dahil nga kadalasang heavy drama ang ginagawa niya.

“Yeah, bago, at least may bagong malalagay sa aking portfolio, different genre, rom-com. Na-enjoy ko rin naman, pero kung sasabihin ulit ng producer ko na hindi na ako tatanggap ng labandera role o tulad dati, parang hindi ko ma-imagine, gusto ko pa rin ‘yung dati kong ginagawa ko.

“Ayokong-ayoko kasing kinakahon ang mga artista, opinyon ko lang ito, ha? Tulad nu’ng isa na, ‘O, lahat na lang ng pelikula mo, abogado ka, nakakalungkot ‘yun para sa isang artista, na iyon lang ba ang kaya mong gawin? Nag-artista ka pa, sana nag-abogado ka na lang talaga, bagay pala, parang ganu’n,” punto de vista ng premyadong aktres.

So, bukod sa rom-com at panay serious roles, ano pa ang kaya niyang gawin?

“Kaya ko lahat gawin, marami, ‘wag lang akong gawing dancer,” seryosong sabi ng aktres. “Kaya ko rin namang maging singer, pero ayokong gawin.”

Sabi ni Direk Sigrid, mas nakakatawa pala siya kaysa kay Empoy.

“Talaga? Ewan ko kung anong nakain ni Sigrid, baka nagpapatawa lang siya,” kunot-noong sagot ng dalaga.

Posible ba siyang ma-in love sa katulad ni Empoy?

“Kayo po?” balik-tanong sa amin, sabay sabing, “bakit naman hindi? Ang hinahanap ko, mabait matalino at may takot sa Diyos.”

Meron lahat nu’n si Empoy, hirit namin, maliban sa itsura.

“Hello, bakit ka naman titingin sa itsura, eh, lahat naman tayo tulog ‘pag gabi na,” natawang sabi. “At the end of the day, tulog ka lang din naman, so ganu’n ‘yun. Para ka na lang nanaginip.

“Pero alam n’yo, lagi na lang nating ginagawang joke ‘yung pangit si Empoy, hindi ako naniniwala, pero naniniwala akong love is blind kahit gaano ka nakakita ng ganda, gaano kayaman ang tao, gaano katalino, pagdating sa love, lahat ‘yan tanga pagdating sa pag-ibig,” paliwanag ng aktres.

Naging tanga na ba sa pag-ibig si Alex?

“Everytime, hindi lang sa pag-ibig, tanga sa kaibigan, tanga sa katrabaho... totoo, kasi siyempre ‘pag endeared ka sa isang tao, kahit ano’ng pakita niya sa ‘yo okay-okay. later on na lang kapag medyo sumobra doon ka lang magigising. Sign pala lahat ‘yun.

“Sanay kayong kontrabida ako sa pelikula, pero sa totoong buhay, hindi ako marunong magalit, hindi ako nagagalit, hindi tumataas ang boses ko, never. ‘Yun nga lang, ‘pag nagalit ako, banned ka na sa buhay ko,” katwiran ni Alessandra.

Mapapanood na sa mga sinehan ang Kita Kita sa Hulyo 19 produced by Spring Films, distributed ng Viva Films.