Ni REGGEE BONOAN

NAG-VENTURE na uli ang Star Cinema sa local distribution ng foreign films tulad ng Kung Fu Yoga ni Jackie Chan at ang The Last Word ni Shirley MacLaine kamakailan, at latest itong Reset na pagbibidahan nina Wallace Hu at Yang Mi mula sa New Clues Film na ipalalabas sa Miyerkules, Hunyo 28.

Ang Vice President for New Media, Content Development and Acquisition na si Enrico C. Santos (ECS) ang naatasan ng ABS-CBN sa pamimili ng mga pelikula sa ibang bansa at tatlong pelikula pa lang ang nabibili niya.

Eksena sa 'Reset' copy

Balitang Pag-Ibig

National Boyfriend Day? Ilang viral wedding proposals na inulan ng Sana-all!

Bakit kailangan nilang mag-distribute ng foreign films gayong marami naman silang local movies na pino-produce?

“Hindi na makayanan ng Star Cinema na makagawa ng pelikula, kasi 18 movies in a year na kami. Ang maximum kasi is 24 (movies) a year, dapat every two weeks, so kulang kami ng 6 (movies) a year. Minsan ‘pag 18 (movies) papalitan mo kaagad (sinehan) kaya marami pa ang kulang.

“Di ba ngayon moving na tayo to a new media, online streaming. We are planning to go local streaming. Didikit-dikitin na lahat ‘yun like iWantTV, pelikula sama-sama na sa bagong title -- pelikula, TV, concert, music, print, documentary lahat.

“Movies pa lang ang hawak ko kasi doon ako nagsimula, pero ‘yung iba, wala pang may hawak. Kaya maraming pelikulang kailangan,” paliwanag ni Enrico sa amin.

Masayang ikinuwento ng ABS-CBN exec na masarap daw mamili ng pelikula sa ibang bansa dahil tumpuk-tumpok.

“Para kang nasa palengke, may booth sila, parang tiangge, pupunta ka, ii-entertain ka, bibigyan ka ng tubig, kape papipiliin ka ng pelikula sa laptop nila,” aniya.

Mura ba ang mga pelikulang nabibili ng Star Cinema?

“Siyempre confidential, madali lang mamili kasi ituturo mo lang kung ano ‘yung gusto mo, ‘tapos magkakamay kayo na ibig sabihin ay done deal, i-email na sa ‘yo ang kontrata, walang resibo, walang deposito, ang galing nga, eh.”

So, paano ang bayaran kung walang downpayment?

“Gentleman’s agreement, tatandaan nila mukha mo, kaya kailangan matino kang kausap, may email-an kayo. Subukan mong manggoyo, next year wala nang papansin sa ‘yo,” sagot sa amin ni ECS.

Nakakailang Jackie Chan movie na ang Star Cinema, bakit ito parati ang binibili ni Enrico?

“Nalaman namin na ang ABS-CBN market at Jackie Chan market ay matched, parang Probinsyano type, nagpapatawa ng tao at may konting love story at comedy.

Nabanggit din sa amin na mahina na ang mga pelikula nina Nicolas Cage at Antonio Banderas kaya hindi na ito mabenta.

Sayang nga at may Warner Philippines distribution kaya hindi makuha ng Star Cinema ang Marvel/DC movies na siguradong bawing-bawi ang puhunan.

Napunta ang usapan sa pelikulang Bloody Crayons na ipalalabas sa Hulyo 19 na pagbibidahan ng young stars ng ABS-CBN tulad nina Janella Salvador, Elmo Magalona, Ronnie Alonte, Jane Oneiza, Empoy, Diego Loyzaga, Sofia Andres at iba pa na idinirek ni Topel Lee.

Inamin sa amin ng exec na mahirap ang shooting ng Bloody Crayons.

“Mas confident kami sa rom-com (romantic comedy) story kaya ‘pag suspense thriller, ingat na ingat kami,” katwiran sa amin.

Pero marami namang horror films na kumita ang Star Cinema, “Nagbago na kasi ang horror, mas lumapit na ang horror sa gaming, hindi na uso ‘yung takot ang tao sa multo kundi mas takot na sa taong buhay ngayon. Mas naho-horrify na sa tao kaysa sa multo. Sa multo magtatawan lang. Kaya panay ang revise namin ng script,” paliwanag ni ECS.

Maging ang publicity manager ng Star Cinema na si Mico del Rosario ay sumang-ayon sa malaking pagbabago ngayon sa paggawa ng pelikula.

Ang Bloody Crayons ay suspense thriller na mala-The Scream ang kuwento dahil hindi mo alam kung sino ‘yung paisa-isang pumapatay sa grupo.

“Bago ang Bloody Crayons, ito munang Reset ang papanoorin ng tao dahil maganda at hi-tech ang kuwento, maraming makaka-relate rito lalo na ang mga ina,” say pa ni ECS.