Ni: Mars W. Mosqueda, Jr.
LAPU-LAPU CITY, Cebu – Inirekomenda ng Lapu-Lapu City Police Office (LCPO) ang pagpapatigil sa search at retrieval operation sa bangkay ni Bien Unido, Bohol Mayor Gisel Boniel sa karagatan ng Caubian Island sa Lapu-Lapu City, Cebu.
Inirekomenda ng LCPO sa Police Regional Office (PRO)-7 na ihinto na ang operasyon nitong Biyernes, makalipas ang 14 na araw na bigong pagsisid sa labi ng alkalde.
Isinumite ni LCPO director Senior Supt. Rommel Cabagnot ang nasabing rekomendasyon kay PRO-7 Director Supt. Noli Taliño.
Ayon kay Senior Insp. Jacinto Mandal, ang technical diver na nanguna sa paghahanap sa labi ni Boniel, nasuyod na ng kanyang grupo ang buong karagatan kung saan umano itinapon ang bangkay ng alkalde ngunit bigo sila.
Aniya, bagamat naniniwala siyang naroon nga ang labi ng mayor sa pagitan ng mga isla ng Caubian at Olango, hindi na makakayang bumaba pa ng mga diver sa mas malalim sa 200 talampakan.
“The operation can only be continued if we utilize advanced diving technology,” ani Mandal.
Napaulat na itinapon sa karagatan ang labi ni Boniel matapos umano siyang barilin sa ulo ng sariling asawang si Board member Niño Rey Boniel.