Ni: Reggee Bonoan
SANA hindi magbago ang Lucky Big Winner ng Pinoy Big Brother Lucky Season 7 na si Maymay Entrata dahil napahanga niya kami nang husto sa ginawa niya pagkatapos ng celebrity screening ng pelikulang Reset na prinodyus ni Jackie Chan at ipalalabas na rito sa Pilipinas simula sa Hunyo 28, Miyerkules distributed by Star Cinema.
Pagkatapos ng Reset screening ay tumuloy kami sa isang restaurant sa Gateway Mall at habang may mga kausap kami ay lumapit si Maymay sabay abot ng kanang kamay at ipinakilala ang sarili, na ginaya na rin ng ka-love team niyang si Edward Barber at Marco Gallo.
Wala kaming nakitang handler na kasama ni Maymay, kaya walang nagturo sa kanya tulad ng ginagawa sa ibang artista na kailangan pang pagsabihan para marunong gumalang sa entertainment press.
Sa totoo lang, hindi naman din taga-media ang ibang kasama namin, pero isa-isa ring nilapitan ng dalaga at nagpakita ng respeto.
Pinagmamasdan namin sina Maymay at Edward habang magkatabing kumakain sa kabilang mesa at napakapormal nilang dalawa, maski na nag-uusap ay prim and proper sila. Bagay sila, parehong mabait at magalang.
Samantala, gandang-ganda naman sina Maymay at Edward sa pelikulang Reset na ang setting ay taong 2025 kaya hi-tech ang kuwento na tungkol sa isang scientist (Xia Tian) na nakadiskubre ng time travel na puwedeng manumbalik ang katawan ng tao sa loob ng 110 minutes.
Kinidnap at napatay ang anak ni Xia Tian kaya napilitan siyang bumalik sa nakaraan para iligtas ito hanggang sa naging triple na ang katawan niya.
Sci-fi thriller ang Reset mula sa direksyon ni Chang na pinagbibidahan naman nina Yang Mi at Wallace Huo.
Bukod sa action movie fans, para rin ito sa mahihilig manood ng pelikulang pag-iisipin ka ang Reset. At para rin siyempre sa fans nina Yang Mi at Wallace Huo, hindi kayo mabibigo sa pelikulang ito.