Ni: Fer Taboy

Patay ang isang kasambahay habang isa pa ang nasugatan makaraang aksidenteng sumabog ang isang rifle grenade sa Iriga City, Camarines Sur nitong Biyernes ng gabi.

Batay sa report na tinanggap ng Camp Crame mula sa Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO), nangyari ang insidente dakong 7:30 ng gabi nitong Biyernes sa Barangay San Nicola, Iriga City.

Ayon kay Supt. Alex Pederio, hepe ng Iriga City Police Office (ICPO), kinilala ang nasawi na si Marites Capiña, 36, habang naputulan naman ng kamay si Roy Tino, 48, kapwa nakatira sa naturang barangay.

Probinsya

Truck na naghatid ng mga balota sa Bukidnon, nahulog sa bangin; isa patay!

Nabatid sa imbestigasyon ng pulisya na katatapos lang maghapunan ng pamilya Tino nang biglang lumapit sa mesa si Roy dala ang isang rifle grenade.

Pinaglalaruan umano ni Tino ang granada nang aksidente itong sumabog.

Kapwa isinugod sa ospital ang dalawang biktima ngunit nasawi si Capiña habang naputulan naman ng kamay si Roy.

Inaalam ngayon ng pulisya kung totoong nakararanas umano ng depresyon si Roy nang mangyari ang aksidente.

Ayon sa pulisya, miyembro ng Philippine Air Force ang kapatid ni Roy at kinuha ng huli ang armas na nakatago sa isang silid sa bahay.