Ni Ernest Hernandez
Beermen, hirap tibagin ang mala-tangke na si Smith.
DIKIT ang laban at nagkatalo lamang sa game-winner semi-hook shot ni Joshua ‘Jumbotron’ Smith.
Tangan ng Talk ‘N Text Katropa ang momentum matapos magwagi sa San Miguel Beermen sa Game 1 ng kanilang best-of-seven title series para sa 2017 OPPO-PBA Commissioner’s Cup.
"We came short because of the last shot of Smith," pipilig-pilig ang ulo na pahayag ni SMB head coach
Leo Austria.
"Next time we have to contain Smith because he is the problem with our defense. Napapaligiran siya ng mga perimeter shooters and we hope to contain him next game,” aniya.
Natoka para pigilan ang mala-tangke na si Smith si June Mar "The Kraken" Fajardo, ngunit maging ang malapader na tatag ng 6-foot-10 at four-time MVP ay walang panama sa ratsada ni Smith na napatanyag sa taguring Jumbotron bunsod nang malapad na sukat na pangangatawan sa bigat na mahigit 300 lbs.
"Sobrang bigat niya," pag-aamin ni Fajardo, sandigan ng Beermen sa matagumpay na kampanyan sa nakalipas na mga conference.
"Malaki siya at mabigat siya. 'Tsaka yung motion niya... magaling din,” aniya.
Sa nakitang kahinaan, inaasahang gagawa ng tamang pagbabago sa istilo at diskarte ni coach Austria sa Game 2 ngayon para makatabla sa serye at makaiwas mabaon sa 0-2.
"Siguro, magpro-provide ng help. Kung ano sabihin ni coach, 'yun ang gagawin namin," sambit ni Fajardo.
Bilis ang marka ng KaTropa, ngunit sa krusyal na sandali, ang lakas sa post-up at setup play ni Smith ang sandata ng Talk ‘N Text.
"Expected na iyon kasi nandyan si Joshua," ayon kay Fajardo. "Syempre hantayin nila iyon, kasi iyon yung strength nila sa loob, sa opensa."
Ngunit, kung si Smith ang problema ni Fajardo, ang depensa ng Katropa ang sakit sa ulo ng Beermen. Sa Game 1 nagtamo ng 24 turnovers ang SMB.
"Siguro maganda din depensa ng TnT, kailangan din talaga naming mag-adjust," sambit ni Fajardo.