NI: Orly L. Barcala
Sabay ibinulagta ang mag-utol habang inaresto naman ang isang babae sa buy-bust operation sa Valenzuela City, kamakalawa ng hapon.
Sa report ni Police Supt. Rey Medina, deputy chief of police for operation, kay Police Sr. Supt. Ronaldo Mendoza, hepe ng Valenzuela Police, kinilala ang mga napatay na sina Larry at Eddie Guache, 47 at 50 ayon sa pagkakasunod, kapwa ng Phase 5, Meyland Subdivision, Lawang Bato ng nasabing lungsod.
Nahaharap naman sa kasong paglabag sa Article II, RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) si Jessica Casimiro, 29, kinakasama ni Larry.
Sa panayam kay SPO4 Armando Delima, nasa drug watch list ng Valenzuela Police ang mag-utol dahil sa pagtutulak ng droga sa dati nilang bahay sa Dulong Tangke, Barangay Malinta.
Nakatanggap ng impormasyon si Mendoza na sa Bgy. Lingunan na nakatira ang mga suspek at ikinasa ang operasyon.
Nagpanggap na buyer ng shabu si PO1 Leo Angelo Loyola at nang iaabot na nina Jessica at Larry ang droga, inaresto ang mga ito ngunit nanlaban ang huli kaya pinagbabaril ng mga pulis.
Tinangka namang tumakas ni Eddie dahilan upang pagbabarilin ng awtoridad.
Narekober sa mga suspek ang isang cal. 38 at isang cal. 22, hindi madeterminang dami ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P50,000.