Nina FRANCIS WAKEFIELD at FER TABOY

Inihayag kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na may kabuuang 11 pakete ng hinihinalang high-grade shabu na tumitimbang ng isang kilo bawat isa ang nakumpiska ng mga tropa ng gobyerno nitong Linggo ng gabi sa pinagkutaan ng Maute Group sa Marawi City.

Sinabi ni Brig. Gen. Rolando Joselito Bautista, commander ng 1st Infantry Division ng Philippine Army at ng Task Force Marawi, na nabawi ng mga tropa ng Alpha Company, sa pangunguna ni 1st Lt. Emerson Tapang ng 49th Infantry Battalion, ang nasabing dami ng shabu at apat na matataas na kalibre ng baril makaraang makipagbakbakan sa mga miyembro ng Maute Group bandang 6:00 ng gabi nitong Linggo.

Ayon kay Bautista, nasa P110 milyon hanggang P250 milyon ang halaga ng mga narekober na shabu.

Resulta ng drug test ni Nograles, lumabas na!

BANGAG SA BAKBAKAN

Matatandaang ilang sachet ng shabu ang nabawi ng tropa ng gobyerno mula sa pinagkutaan ng Maute at Abu Sayyaf sa una at ikalawang linggo ng labanan sa Marawi.

Sinabi ni Lt. Gen. Carlito Galvez, commander ng Western Mindanao Command, na ang huling nasamsam na bulto ng droga ang pinakamalaki at isang patunay na totoong sangkot sa ilegal na droga ang Maute.

“This strengthens our findings that these terrorists are using illegal drugs which according to Muslim religious leaders is Haram. These Maute and ASG terrorists are not Muslims. They have violated every tenets of the teachings in the Holy Quran,” ayon kay Galvez.

Bukod sa paggamit at pagbebenta ng droga, ginagamit din ng Maute ang mga mosque para puwestuhan ng mga sniper, at mariin itong kinondena ng militar.

“We condemn the acts of the Maute/ASG in using Mosques as battle positions as we deplore their use of illegal drugs that is equally evil as both are Un-Islamic,” ani Bautista.

Ibinigay ang mga bulto ng droga sa Joint Task Group Haribon para sa kaukulang disposisyon.

345 NA ANG NASAWI

Kasabay nito, sinabi kahapon ng AFP na umabot na sa 62 ang puwersa ng gobyerno na nasawi sa bakbakan, kasunod ng pagkamatay nitong Linggo ng tatlong sundalo—dalawa mula sa Marines at isang Army.

Sa kabuuan, umabot na sa 345 ang nasasawi sa isang buwan nang bakbakan matapos na maitala sa 257 ang napatay sa Maute, habang nananatili naman sa 26 ang bilang ng napatay na sibilyan.

Nakapag-rescue naman ng 1,637 sibilyan, habang 250 armas ng mga terorista na ang nasamsam.

3 MAUTE BALIK-MINDANAO

Samantala, ibiniyahe kahapon ng umaga pabalik sa Mindanao ang tatlong umano’y miyembro ng Maute na naaresto sa Iloilo port nitong Linggo.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), pabalik na sa Mindanao ang tatlong miyembro umano ng Maute, dakong 5:30 ng umaga kahapon, sakay sa Coast Guard highlander plane patungong Cagayan de Oro City.

Kinilala ang mga naaresto na si Aljajid Pangumping Romato, 20, ng Iligan City; kapatid na si Farida Pangumping Romato, 23, ng Cagayan de Oro; at Abdulrahman Serd Dimakutah, 25, ng Lanao del Sur, nobyo ni Farida.

Sinabi rin kahapon ni Lt. Edison Diaz, commander ng PCG-Iloilo, na mariing itinanggi ni Farida na kapatid siya ng Maute Brothers.