Ni: Mary Ann Santiago

Dumulog kahapon sa tanggapan ng Eastern Police District (EPD) ang may 20 miyembro ng pamilya na may apelyidong Maute na kasalukuyang naninirahan sa mga lungsod ng Pasig, San Juan at Marikina, upang humingi ng tulong bunsod ng harassment na kanilang dinaranas dahil lamang kaapelyido nila ang mga leader ng grupon ng terorista na nagtatangkang kumubkob sa Marawi City, Lanao del Sur.

Umapela sila kay EPD Director Chief Supt. Romulo Sapitula na tulungan sila upang matigil na ang harassment sa kanila, at nanawagan sa media na huwag nang gamitin sa pagre-report ng mga kaganapan sa Marawi ang kanilang apelyido sa pagtukoy sa grupo ng mga terorista.

Sa reklamo ng pamilya Maute, sinabi ng mga ito na simula nang sumiklab ang kaguluhan sa Marawi City ay nakakaranas na sila ng harassment mula sa ilang indibidwal dahil lamang sa kanilang apelyido.

Lumad teacher na pumanaw, nangangailangan ng tulong

Maging ang mga anak nila ay hindi rin umano nakakaligtas sa pambu-bully ng mga kaklase, at walang magawa ang mga ito kundi umiyak na lamang tuwing binabansagang terorista.

Iginiit naman ng pamilya Maute na hindi nila kaanak ang Maute Brothers na mula sa Butig sa Lanao del Sur, dahil nagmula naman ang kanilang angkan sa malayong bayan ng Mulondo.

Hindi rin umano sila naghahasik ng kaguluhan, at sa halip ay sumusunod sa batas at kumikita nang marangal sa pagnenegosyo.

Siniguro rin nila kay Sapitula na makikipagtulungan sila sa pulisya sa lahat ng programa at proyekto nito para matiyak na ligtas ang Metro-East laban sa mga terorista at mga grupong kriminal.

Sinabi naman ni Sapitula na tutugunan niya ang reklamo ng pamilya Maute.