Ni: Jerry J. Alcayde

CALAPAN CITY, Oriental Mindoro – Isang dating konsehal na high value target ng pulisya sa pagkakasangkot umano sa droga ang napatay sa entrapment operation sa Barangay Ordovilla, Victoria, Oriental Mindoro, nitong Huwebes ng gabi.

Kinilala ni Oriental Mindoro Police Provincial Office director Senior Supt. Christopher C. Birung ang napaslang na si Rowell P. Ganad, 32, may asawa, dating konsehal ng Victoria, at taga-Bgy. Poblacion 3.

Batay sa imbestigasyon, dakong 8:30 ng gabi nitong Huwebes nang ikasa ng mga operatiba ng Victoria Municipal Police at Police Provincial Intelligence Branch (PIB) ang buy-bust laban kay Ganad at sa isang hindi pa kilalang kasama nito.

Probinsya

Mag-inang menor-edad, natagpuang nabubulok na bangkay sa loob ng sariling bahay

Ngunit nang makahalata umano si Ganad na pulis ang kanyang katransaksiyon, bigla umano nitong binunot ang isang .38 caliber pistol at binaril ang pulis pero hindi tinamaan.

Nauwi sa engkuwentro ang operasyon at napatay si Ganad, na nakuhanan din ng anim na plastic sachet ng hinihinalang shabu.