Nina KEN MORITSUGU/AP at BELLA GAMOTEA

TOKYO – Pitong tripulanteng Amerikano ang nawawala habang sugatan naman ang kapitan at dalawang iba pa makaraang magkabanggaan ang isang U.S. Navy destroyer at isang cargo ship ng Pilipinas sa karagatan ng Yokosuka, Japan kahapon ng madaling araw.

Masusi ang rescue operation sa paghahanap sa pitong tripulante na pinaniniwalaang nahulog sa dagat o naipit sa loob ng nawasak na bahagi ng destroyer, ayon sa tagapagsalita ng Japanese Coast Guard na si Yoshihito Nakamura. Walang nasaktan sa mga tripulante ng cargo ship.

Gayunman, tinitiyak pa ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang ulat na may ilang Pilipinong tripulante ang kabilang sa nawawala, at nakikipag-ugnayan na ang kagawaran sa Japanese Coast Guard at sa US Navy.

National

MTRCB Chairperson Lala Sotto, nagbitiw na rin sa puwesto

Nakasalpukan ng Philippine-flagged merchant vessel na ACX Crysta, na pag-aari ng Japanese shipping giant na NYK Line, ang USS Fitzgerald sa 56 nautical miles timog-kanlurang bahagi ng Yokosuka, dakong 2:30 ng umaga.

Kaagad namang na-airlift ang kapitan ng destroyer na si Cmdr. Bryce Benson patungo sa U.S. Naval Hospital sa Yokosuka at maayos na ang lagay, ayon sa pahayag ng 7th Fleet. Nailikas na rin ang dalawang nasugatang tripulante na nagtamo ng mga sugat at pasa.

Halos apat na beses ang laki ng cargo ship—may bigat na 29,060 tonelada at habang 222 metro—sa 8,315-toneladang naval destroyer.