Ni: Bella Gamotea
Nasa 13 katao, kabilang ang isang 67-anyos na lalaki na umano’y nagpapatakbo ng “drug den” sa mismong bahay nito, ang inaresto ng mga pulis sa raid sa Makati City, nitong Biyernes ng gabi.
Todo-tanggi pa si Rosendo Cruz Jr., 67, ng Barangay Pio Del Pilar, nang dalhin siya sa tanggapan ni Insp. Jeson Vigilla, hepe ng Drug Enforcement Unit ng Makati City Police.
Bukod kay Cruz,isinasailalim din sa masusing imbestigasyon ang 12 pang indibiduwal na hindi pinangalanan, kabilang ang tatlong babae na may dating kaso ng pagnanakaw, habang ang ilan ay drug surrenderer.
Unang nakatanggap ng impormasyon ang DEU hinggil sa talamak na bentahan ng ilegal na droga at pasugalan sa mismong bahay ni Cruz sa isang compound sa J. Victor Street, Bgy. Pio Del Pilar sa Makati City, dakong 8:00 ng gabi.
Ayon pa sa natanggap na timbre ni Insp. Vigilla, habang nangyayari ang bentahan ng droga sa loob ay puwedeng magsugal at maaaring ipusta ang shabu, gayundin ang posibleng pot session sa lugar.
Nabulaga at hindi na nakapalag ang 12 katao na naabutan umano ng mga pulis na nagsusugal, bukod pa sa nakarekober ng 21 plastic sachet na may hinihinalang shabu na ginamit umano sa ilegal na transaksiyon, drug paraphernalia at ilang bala ng .38 caliber revolver.
Katwiran naman ni Cruz, natutulog siya nang gawin ang raid at hindi niya alam na may bentahan na pala ng droga sa kanyang bahay, na hindi naman pinaniwalaan ng awtoridad.
Iginiit din ni Cruz na hindi siya nagbebenta ng droga at matagal nang tumigil sa paggamit nito.