Ni: Vanne Elaine P. Terrazola at Jun Fabon
Patay sa pamamaril ang isang construction worker habang sugatan naman ang isa pa, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang napatay na biktima na si Nannie Borbe, 38, ng Republic Street, Barangay Holy Spirit. Habang sugatan naman si Jefferson Soriano, 31, ng Sto. Rosario Street.
Ayon sa awtoridad, nagising ang mga residente ng Sto. Rosario Street sa sunud-sunod na putok ng baril, dakong 12:02 ng madaling araw.
Ayon kay Melchor Trinidad, sinilip niya ang pinagmulan ng putok at nakita ang isang armado na pasakay sa motorsiklo na minamaneho ng isa pa at tuluyang nilisan ang lugar.
Makalipas ang ilang sandali ay narinig niyang may humihingi ng saklolo. Nadiskubre ni Trinidad ang dalawang biktima na duguang nakahandusay sa semento.
Sinabi ng pulis na namatay agad si Borbe dahil sa tinamong tama ng bala sa likod ng ulo. Habang nagawa pang humingi ng tulong ni Soriano sa kabila ng tama ng bala sa mukha at kanang hita.
Habang isinusulat ito ay nagpapagaling sa ospital si Soriano.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.