Ni: Light A. Nolasco

SAN LUIS, Aurora - Nakaburol na ngayon ang labi ni Private First Class Rowee Montalban, isa sa mga sundalong nasawi sa bakbakan sa Marawi City sa Lanao del Sur, sa kanilang tahanan sa San Luis, Aurora.

Sa dibdib tinamaan si Montalban ng bala mula umano sa sniper ng Maute Group, na kaagad nitong ikinamatay.

Ayon sa misis ni Montalban, ilang araw bago nasawi ay nakausap pa niya ang kanyang mister at tiniyak nitong nasa maayos itong kalagayan.

Probinsya

Dating barangay captain sa Catanduanes, dinukot at pinagnakawan ng kalalakihan

Kaya naman labis ang naging kalungkutan ng ginang nang mabalitaan sa mga kasamahan ni Montalban ang sinapit nito.

Isa pa sa nagpapabigat sa loob ng ginang ay hindi pa man lang niya nakakasama ang asawa simula nang maikasal sila, dahil kaagad itong nadestino sa Marawi.

Aniya, ikinasal sila nitong Mayo 30, 2017, at Hunyo 1 naman nang madestino si Montalban sa Marawi ilang araw makaraang kubkubin ng Maute Group ang siyudad.

“Mabait, matulungin, maalalahanin at malambing siya noong nabubuhay pa,” kuwento ni Mrs. Montalban.

Ihahatid ngayong Biyernes si Montalban sa kanyang huling hantungan sa San Luis Public Cemetery.