Ni: Lyka Manalo
LIPA CITY, Batangas - Isang 39-anyos na ginang ang dumulog sa himipilan ng pulisya matapos umano siyang looban at dalawang beses na gahasain ng isang hindi nakilalang suspek sa Barangay San Carlos, Lipa City, Batangas.
Ayon sa report ng Batangas Police Provincial Office (BPPO), dakong 3:30 ng umaga nitong Miyerkules at natutulog ang biktima katabi ang dalawang anak nang gisingin siya ng suspek, dinala sa kabilang kuwarto at doon ginahasa.
Matapos makuha ang cash, cell phone at mga alahas, kinaladkad pa umano ng suspek ang ginang sa Mistubishi Montero ng biktima, minaniobra ito ng suspek at inihinto sa national highway sa bayan ng Malvar.
Sa backseat, muli umanong hinalay ang biktima habang nakagapos ng iron cord ang mga kamay at binusalan ng panyo sa bibig.
Matapos tanggalin sa pagkakagapos, iniwan ng suspek ang biktima, na nagmaneho pauwi.