Ni: Bella Gamotea
Hindi pinalampas ng dalawang hinihinalang miyembro ng “Basag-Kotse” gang ang dating pangulo ng National Press Club (NPC) na ngayon ay newspaper publisher.
Aabot sa P2milyong halaga ng cash, tseke at mga gamit sa loob ng sasakyan ang natangay kay Jerry Yap, 55, publisher ng Hataw tabloid, sa Pasay City nitong Miyerkules ng gabi.
Base sa ulat, naganap ang insidente sa tapat ng Antel Tower Condominium, malapit sa Japanese Embassy, sa Service Road, Roxas Boulevard, dakong 8:00 ng gabi.
Ayon kay Yap, dumating siya sa naturang condominium, kasama ang kanyang driver na si Alvino Requesto III, at ipinarada ang puti niyang SUV Chevrolet (WD-5117) sa tapat ng gusali bago dumalo sa isang pulong.
Nagpasya naman si Requesto na magtungo sa isang convenience store para kumain.
Makalipas ang 20 minuto, bumalik sa sasakyan si Requesto at nadiskubreng basag na ang kanang salamin ng sasakyan at nawawala ang bag ng kanyang amo na naglalaman ng P900,000 cash, isang milyong halaga ng postdated checks, pasaporte, US Visa at iba pang mahalagang gamit at dokumento.
Sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera sa lugar, dalawang lalaki na sakay sa motorsiklo ang pumarada sa likuran ng sasakyan ni Yap.
Isa sa mga suspek, inilarawang nakasuot ng sombrero, ang bumaba sa motorsiklo at binasag ang salamin ng kotse at tinangay ang mga gamit ni Yap.