Ni: Mary Ann Santiago
Patay ang isang pulubi na katukayo ng beteranong singer na si “Rey Valera” makaraang malunod habang naliligo sa Manila Bay sa Malate, Maynila kamakalawa.
Dead on arrival sa Ospital ng Maynila (OSMA) ang 25-anyos na biktima, na kilala sa tawag na Rey Valera, tubong Samar at walang permanenteng tirahan.
Ayon kay PO3 Ryan Jay Balagtas, ng Manila Police District (MPD)- Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), marahil sa init ng panahon ay nagdesisyon ang biktima na magtampisaw sa Roxas Boulevard, bandang 6:20 ng umaga.
Habang naliligo, nakita umano ng biktima ang isang bola at tinangkang kunin hanggang sa mapunta sa malalim na bahagi ng tubig.
Tinangka pa umano ng biktima na lumangoy pabalik ngunit nahirapan na itong huminga at tuluyang nalunod.