Nagpaabot ang Malacañang ng pagbati para kay newly elected Senate President (SP) Sherwin Gatchalian nitong Miyerkules, Hunyo 17.
Kasunod ito ng pormal na pagbibitiw ni Sen. Alan Peter Cayetano sa nasabing posisyon, at ang pag-anib ni Sen. Joel Villanueva sa Senate majority upang mabuo ang kinakailangang 13 na mambabatas para makaboto ng panibagong SP.
KAUGNAY NA BALITA: De Lima sa bagong Senate leadership: 'Tuloy ang trabaho at ang laban natin!'-Balita
Sa isang pahayag, iniabot ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro ang pagbati ng Palasyo kay SP Gatchalian.
“Pinapahatid ng Palasyo ang pagbati sa bagong halal na Senate President Sherwin Gatchalian,” saad ni Usec. Castro.
Pinasalamatan din niya ang Kongreso na aniya’y handa nang tumugon sa pangangailangan ng sambayanang Pilipino.
“Pasasalamat sa House of Representatives sa pamumuno ni Speaker Bojie Dy at sa mayorya sa Senado na handa nang gumanap sa kanilang tungkulin,” aniya.
Ipinagdiinan din ng press officer ang umano’y layunin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. para sa matuling pagseserbisyo sa mga Pilipino; kasabay ang pag-asang maipasa nang daglian ang ilang legislative measures na ipinag-utos ng Pangulo.
“Alam natin ang hangad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr—mabilis at maayos na paglilingkod para sa taumbayan,” anang press officer.
“Ang mga priority legislative bills ay dapat nang maisabatas para lalo pang mapagtibay at mapalawak ang tulong ng pamahalaan sa ating mga kababayan,” pagtatapos ni Usec. Castro.
Matatandaang inisyu ni PBBM ang Proclamation No. 1318 noong Lunes, Hunyo 15, na may adhikaing magpatawag ng isang Congress special session para ikonsidera ang pagpapasa ng ilang legislative measures na may kaugnayan sa usaping social protection at pagpapaganda ng buhay ng mga Pilipino.
MAKI-BALITA: PBBM, nagpatawag ng Congress special session sa Hunyo 17-Balita