Tuluyan nang natuldukan ang ilegal na aktibidad ng isang lalaki makaraang pasukin at pagbabarilin sa bahay ng tatlong armado sa Marikina City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang napatay na si Russel Jocson, 44, ng No. 20 Narlugod Street, Barangay Sto. Niño ng nasabing lungsod.
Nabatid na minsan nang sumuko si Jocson sa “Oplan Tokhang” ng Philippine National Police (PNP), ngunit hindi umano tumigil sa pagbebenta ng ilegal na droga sa kanilang lugar.
Sa ulat ng Marikina City Police, na ipinarating sa tanggapan ni Eastern Police District (EPD) Director Police Chief Supt. Romulo Sapitula, dakong 8:50 ng gabi nangyari ang pamamaril sa loob mismo ng bahay ni Jocson.
Nasa sala umano ang biktima nang pasukin ng mga hindi pa nakikilalang suspek at pinagbabaril bago tuluyang tumakas.
(Mary Ann Santiago)