IKA-119 Araw ng Kalayaan kahapon, June 12, pero sabi nga ni Benjie Liwanag, radio reporter ng Saksi Sa Dobol B, Radyo na TV Pa sa GMA-7, hosted by Mike Enriquez, Arnold Clavio at Ali Sotto, naitaas daw ang ating Pambansang Bandila sa City Hall ng Marawi City, pero bago ginanap ang flag ceremony, naririnig na nila ang mga air strike kung saang-saang panig ng Marawi City.

Araw ng Kalayaan nga raw, pero hindi lubos ang kalayaan dahil sa nangyayari sa Marawi City na ilang buhay na ng magigiting nating sundalo na ipinadala roon, para labanan ang grupong Maute.

Ayon sa balita umabot na sa 130 Maute ang namatay at 58 naman ang nasawi sa mga sundalo at mga pulis na nakikipaglaban doon.

At sa 58 nasawi, kabilang ang 13 Philippine Marines na lumusob sa mga kalaban nitong Sabado, June 10. Hindi kami nakapagpigil na mapaiyak nang ipakita ang pagbababa mula sa military planes ng white coffins ng 13 Marines habang hinihintay sila ng mga pamilya nila sa Philippine Marines headquarter. Habang tumutugtog ang salute sa kanila, isinabay naman ni Mike ang pagbasa sa Prayer ni Saint Francis of Assisi, Patron of the Poor:

Tote bag ng BINI, binakbakan: 'Mas maganda pa bag ng ayuda!'

“Lord, make me an instrument of Your peace; where there is hatred, let me sow love; where there is injury, pardon; where there is doubt, faith; where there is despair, hope; where there is darkness, light; and where there is sadness, joy,

“Oh Divine Master, grant that I may not so much seek, to be consoled as to console; to be understood as to understand; to be loved as to love. For it is in giving that we receive; it is in pardoning that we are pardoned, and it is in dying hat we are born to eternal life. Amen.”

Nag-announce din sina Mike na pagdating ng 12:00 noon, bibigyang-parangal ang lahat ng mga nasawing sundalo at pulis sa pamamagitan ng pag-ihip ng sirena habang ipinakikitang isa-isa ang mga larawan ng 58 soldiers and policemen.

Nakiusap din silang bumusina lahat ng mga may sasakyan sa kalye bilang pagpaparangal sa mga nasawi.

At nakaramdam kami ng kilabot nang mapanood namin sa TV na at the strike of 12:00 noon, tumunog nga ang sirena at pinakita ang special tribute na “Saludo Para Sa Mga Bayani ng Marawi.” Isa-isa ring ipinakita ang mga pictures ng 58 soldiers and policemen na nasawi sa laban sa Marawi.

Hiling po namin ang patuloy nating pagdarasal na mahinto na ang labanan, maligtas sa anumang kapahamakan ang ating mga sundalo at pulis, mahuli na ang mga kalaban ng kalayaan ng bansa at mabigyan ng atensyon at rehabilitasyon ang lahat ng mga taong nakararanas ng trauma at paghihirap sa kanilang pamumuhay sa Marami City. (NORA CALDERON)