Ipinagdiwang kahapon sa buong bansa ang ika-119 na anibersaryo ng Araw ng Kalayaan.
Sa Rizal Park sa Maynila, si Vice President Leni Robredo ang nanguna sa selebrasyon ng nang hindi makadalo si Pangulong Rodrigo Duterte.
Si Foreign Affairs Secretary Alan Cayetano ang nagsilbing kinatawan ng Pangulo sa okasyon dahil masama umano ang pakiramdam nito dahil sa labis na pagtutuok sa Marawi crisis.
Eksakto 8:00 ng umaga itinaas ang bandila ng Pilipinas at ang pag-aalay ng bulaklak sa Rizal Park.
Hindi rin nakalimutang mag-alay ng panalangin para sa mga bayaning nag-alay ng kanilang buhay sa nagaganap na bakbakan sa Marawi City.
Bukod kina Robredo at Cayetano, dumalo rin sa pagtitipon ang mga miyembro ng gabinete at diplomatic corps.
Dumalo rin sa pagdiriwang ang dating magkaalyado ngunit dalawang ulit nang naging magkaribal sa Manila mayoralty race na sina dating pangulo at Manila Mayor Joseph Erap Estrada at ex-Mayor Alfredo Lim.
Samantala, sa Pinaglabanan Shrine sa San Juan City, pinangunahan nina Mayor Guia Gomez at Senator Sonny Angara ang pagdiriwang.
Ayon kay Angara, dapat ipagpatuloy na ipaglaban ng mga Pinoy ang tinatamasang kalayaan.
Hiniling din ni Angara na ipagdasal ang mga bayaning sundalo na patuloy na nakikipaglaban sa mga terorista para makamit ang kapayapaan sa Marawi City.
“Hindi masusuklian ang buhay na inalay nila para sa bayan, manalig tayo na masusugpo ang teroristang grupo,” ani Angara, na nagsabing pabor siya sa pagdedeklara ng martial law sa Mindanao.
Sa panig naman ni Gomez, sinabi niya na handa nilang kupkupin ang mga “displaced residents” sa Marawi kung sila ay magagawi sa San Juan. (Mary Ann Santiago)