MARAWI CITY – Bago pa sumiklab ang labanan sa lungsod na ito, may 30 katao na karamihan ay negosyante na dinukot at ipinatutubos ng mga bumihag sa kanila.

Dahil sa patuloy na giyera, natigil ang negosasyon ng kanilang kamag-anak sa mga kidnapper.

Ngayon ay pinangangambahan ng mga kamag-anak ng mga dinukot ang kalagayan ng mga ito.

Ayon kay Raslani, kinaladkad ng mga armadong lalaki ang kanyang tiyo na si Hadji Rakim Camama Batugan mula sa kanyang kotse sa Pantar, Lanao del Norte noong Mayo 3.

Probinsya

Labi ng dalagang inanod ng baha noong bagyong Kristine, natagpuan sa isang creek

Si Batugan, 50-anyos na fish trader sa Marawi, ay patungo sa Iligan City nang siya’y tambangan.

Ayon kay Raslani, posibleng mga kasamahan ni Abul Radiah, isa sa 185 katao na pinaaaresto ng Department of National Defense sa hinalang may kaugnayan sila sa pag-atake sa Marawi ng Maute Group at Abu Sayyaf, ang mga mandurukot.

“Tumelepono ang mga kidnapper at una ay humingi P3 milyon,” pahayag ni Raslani sa panayam sa Manila Bulletin noong Mayo 15. “Binaba nila sa P2.5 milyon at P2 milyon.”

Matapos makapanayam si Raslani, tinawagan ng Manila Bulletin si Lanao del Sur Vice Gov. Mamintal Adiong, Jr. upang hingan ng komento.

Ayon kay Adiong, may natanggap siyang mga report tungkol sa mga pandurukot ngunit wala pang nagsasampa ng pormal na reklamo.

Nang ipaalam na maaaring sangkot si Radiah sa mga kidnapping, sagot ni Adiong: “Nandiyan lang si Abul sa tabi-tabi. May mga armed followers.”

Tinext din ng Manila Bulletin ang provincial police office hinggil sa mga pagdukot, at ang sagot: “We know nothing about any kidnapping in our AOR (area of responsibility).”

Ayon kay Raslani, limang araw bago dukutin ang kanyang tiyo, walo rin umanong negosyante sa Marawi ang dinukot ng grupo ni Abul Radiah.

Isa sa mga binihag ay dinukot sa Barangay Basak Malutlut, kung saan unang nagpalitan ng putok ang mga terorista at tropa ng pamahalaan noong Mayo 23.

Dinukot din ang pamangkin ng isang retiradong opisyal ng pulis, ayon kay Raslani.

Bakit hindi inire-report sa awtoridad ang mga pagdukot?

“Natatakot kaming mga Maranao na mawalan ng maratabat (kahihiyan),” sabi ni Raslani.

“Ngunit asahan niyong maghihiganti kami matapos ang gulo sa Marawi.” (Ali G. Macabalang)