MARAWI CITY – Inaresto nitong Biyernes ng hapon sa Masiu, Lanao del Sur ang ina ng magkapatid na teroristang sina Abdullah at Omar Maute na nanguna sa pagsalakay sa Marawi City nitong Mayo 23.

Dinakip si Ominta Romato “Farhana” Maute kasama ng dalawang sugatang lalaki—hinihinalang kapwa miyembro ng Maute Group—at pitong hindi pa nakikilalang babae makaraang maharang ang kanilang sasakyan sa Barangay Kormatan sa Masiu, ayon kay Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, regional police director ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Sa panayam ng media nitong Biyernes ng gabi, sinabi ni Sindac na tinangka ni Farhana na magtago sa kalapit na Bgy. Dayawan sa Masiu, dala ang isang sasakyan at ilang baril at pampasabog, bago tatangkaing lumabas sa Lanao del Sur.

Isa si Farhana sa mga tinukoy ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng pulisya na financier ng Maute Group makaraang salakayin ang bahay nito sa Marawi noong Disyembre at makasamsam ng mga pampasabog.

National

Atty. Chel Diokno, benepisyaryo daw ng confidential funds ni VP Sara?

ARESTADONG MAG-ASAWA

Martes ng umaga naman nang madakip ng mga awtoridad ang ama ng magkapatid na Maute, si Engr. Cayamora Maute, sa isang checkpoint sa Sirawan, Toril, Davao City, kasama ang ilang miyembro ng ikalawang pamilya nito.

Nailipat na si Cayamora sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City nitong Huwebes ng umaga.

Pinalaki nina Cayamora at Farhana ang magkapatid na Omar at Abdullah at pinag-aral sa mga Islamic school sa Middle East, kung saan namulat ang dalawa sa pilosopiyang kital, isang tradisyunal na pananiwalang Arabo na nagpapahintulot sa pagpatay batay sa ideyolohiya.

MAUTE RECRUITER TIKLO

Kasabay nito, sasampahan naman ng pulisya ng kasong rebelyon ang isang empleyado ng Cotabato City Hall na inaresto sa pagre-recruit ng mga kasapi ng Maute Group—na naiimpluwensiyahan ng teroristang Islamic State of Iraq and Syria (ISIS).

Sinabi ni Senior Supt. Victor Valencia, director ng Cotabato City Police Office, na dinakip nitong Huwebes si Nasser Dilangalen, kawani ng city engineering office, sa tanggapan nito dahil kabilang ito sa arrest order na ipinalabas ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, ang martial law implementor sa Mindanao.

Ayon kay Valencia, si Dilangalen ang nag-recruit ng mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) upang sumapi sa Maute na sumalakay sa Marawi tatlong linggo na ang nakalipas.

Nauna rito, naaresto rin ng pulisya ang tagasuporta ng ISIS na si Abdul Rafi Esmael sa safe house nito sa Bgy. Rosary Heights sa Cotabato.

Ayon sa pulisya, si Esmael ay kasapi ng Ansar Khilafah Islamiyah, isa pang lokal na grupong terorista, na nangako rin ng alyansa sa ISIS. (Ali Macabalang at Joseph Jubelag)