July 26, 2026

Home BALITA

₱3B halaga ng food packs, non-food items 'strategically prepositioned' sa paparating na super typhoon

₱3B halaga ng food packs, non-food items 'strategically prepositioned' sa paparating na super typhoon
Photo courtesy: DSWD


Inanunsyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong Lunes, Hulyo 6, na aabot sa ₱3 bilyong halaga ng family food packs (FFPs) at ilan pang tulong ang naka-strategically prepositioned sa buong bansa sa kasalukuyan, bilang paghahanda sa napipintong pagpasok ng super bagyong Bavi sa Philippine Area of Responsibility (PAR).

Ayon sa DSWD, katumbas ito ng 4.775 milyong FFPs, na siyang ipamamahagi sa mga pamilyang maaapektuhan ng paparating na super bagyo.

Samantala, kasama rin dito ang 364,283 ready-to-eat food (RTEF) boxes at 271,446 non-food items (NFIs) para sa mga mangangailangang residente.

Ayon kay DSWD Disaster Response Management Group (DRMG) Assistant Secretary Irene Dumlao, nakabatay raw ang mga inisyatibong ito base sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

"The Department remains fully prepared for any disaster as a new typhoon enters the PAR, and as directed by President Marcos Jr., our primary goal is to ensure zero delays in the distribution of relief to communities isolated by heavy rainfall," saad ni Dumlao.

“Paalala po sa ating mga kababayan na siguraduhing ligtas ang mga sarili at ang pamilya, at syempre makinig sa anunsyo ng inyong mga lokal na pamahalaan, at mga kinauukulang ahensya,” paalala pa niya.

Ayon sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Martes, Hulyo 7, papasok sa PAR ang super bagyo—na siyang papangalanang “Inday”—ngunit hindi ito inaasahang mag-la-landfall.

Gayunpaman, itataas pa rin ng ahensya ang tropical cyclone wind signal sa ilang bahagi ng northern at eastern portions ng Northern Luzon.

MAKI-BALITA: Super Typhoon 'Bavi', papasok na ng PAR; hindi magla-landfall-Balita

Samantala, naka-heightened alert na rin sa kasalukuyan ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) bilang paghahanda sa posibleng epektong idudulot ng nasabing super bagyo.

MAKI-BALITA: NDRRMC, naka-heightened alert sa pagpasok ng ST Bavi sa PAR-Balita