Nakataas na sa “heightened alert” ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) bilang paghahanda sa posibleng epektong idudulot ng pagpasok ng Super bagyong Bavi sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Batay sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), inaasahang papasok sa PAR ang super bagyo sa darating na gabi ng Martes, Hulyo 7 o umaga ng Miyerkules, Hulyo 8.
Nag-atas naman si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ng isang “whole-of-government approach” kaugnay sa papasok na super bagyo sa bansa.
Papangalanang “Inday” ang super bagyo sa oras na pumasok ito sa PAR.
Sa ulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), iginiit nila ang kanilang paghahanda para sa paparating na bagyo.
"We have already mobilized our Field Offices to monitor the situation and secure the safety lines for relief delivery. Of course handa ang DSWD sa anumang sakuna, pero patuloy pa rin kaming naghahanda, dahil hindi po natatapos ang aming pagtulong sa ating mga kababayan dahil kagaya nga po ng palagi naming sinasabi–hindi na po tayo nag-hihintay na dumating muna ang sakuna, bago tayo umaksyon," saad ni DSWD Disaster Response Management Group (DRMG) Assistant Secretary Irene Dumlao sa kaniyang pahayag.
Ayon naman sa ulat ng Disaster Response Operations Monitoring, Information, and Communication (DROMIC), inihanda na ng DSWD ang 4.775 million family food packs (FFPs) para sa mga pamilyang maaapektuhan ng bagyo—kasama na rin ang 364,283 ready-to-eat food (RTEF) boxes at 271,446 non-food items (NFIs).
KAUGNAY NA ULAT: Super Typhoon 'Bavi', papasok na ng PAR; hindi magla-landfall