Sinang-ayunan ni Sen. Erwin Tulfo ang petisyon ni Sen. Alan Peter Cayetano na padaluhin sina Sen. Rodante Marcoleta at Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa ginanap na monthly balitaan forum ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) nitong Martes, Hulyo 7, sinabi ni Sen. Erwin na constitutional duty umano ng mga senador na maglitis ng isang halal na opisyal.
“Constitutional duty po 'yon, e. I believe, to my understanding, hangga't hindi nasususpinde 'yong isang senador, puwede pa siyang mag-attend,” saad ni Sen. Erwin.
“Except po kay Sen. Jinggoy. 90 days po siyang [suspended],” pagpapatuloy niya. “Pero si Sen. Marcoleta, wala pa naman po siyang suspension. Bakit hindi siya puwedeng mag-attend?”
Dagdag pa ng senador, “Kahit si Sen. Bato dela Rosa, kung gusto niyang mag-attend, sige mag-attend po siya.”
Matatandaang inaresto si Sen. Rodante noon ding Lunes, Hulyo 6, dahil sa kasong plunder.
Tumungo pa ang senador sa Sandiganbayan para sana sa motion to quash at pag-defer sa issuance ng warrants na isinagawa sa pamamagitan ng pagdinig.
Ngunit hindi ito pinaboran ng korte dahil may probable cause umano ang plunder case na kinahaharap niya ayon kay Associate Justice Karl Miranda.
Maki-Balita: 'Palagi tayong nagpapasakop sa batas!' Sen. Marcoleta, tanggap pag-aresto sa kaniya!
Samantala, si Sen. Bato naman ay nagtatago matapos kumpirmahin ng International Criminal Court (ICC) na balido ang warrant of arrest laban sa kaniya na kumakalat sa media noon pang Nobyembre 2025.
Maki-Balita: Sen. Robin, 'person of interest' para matukoy kinaroroonan ni Sen. Bato—NBI