CALAPAN CITY, Oriental Mindoro – Pitong katao ang kumpirmadong nasawi habang limang iba pa ang nawawala matapos na lumubog ang isang pump boat sa Romblon, kasunod ng pagsasalpukan ng isang cargo vessel at isang bangka sa silangang Mindoro, nitong Biyernes.

Ayon kay Supt. Imelda V. Tolentino, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-MIMAROPA (Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan), mag-aalas diyes ng umaga nitong Biyernes nang lumubog ang Alad Express 2 mula sa bayan ng Magdiwang habang patungo sa Romblon, dahil sa malalaking alon at malakas na hangin.

Lulan sa bangka ang mahigit 50 pasahero, kabilang ang boat captain at apat na tripulante.

Kinumpirma kahapon ng umaga ni Tolentino na anim sa mga pasahero ang nasawi, lima ang nawawala at 49 ang na-rescue.

Probinsya

Labi ng dalagang inanod ng baha noong bagyong Kristine, natagpuan sa isang creek

Kaagad na nagsagawa ng search and rescue operation sa lugar ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard, Philippine National Police Maritime Group at Romblon Police Provincial Office.

Nauna rito, sinabi ni PRO-MIMAROPA director Chief Supt. Wilben M. Mayor na bandang 4:30 ng umaga nang masalpok ng cargo vessel na may markang “Gotong” ang bangkang de-motor ni Junar C. Albufera, 44, mangingisda, may asawa, may 15 kilometro sa baybayin ng Barangay Estrella sa Naujan, Oriental Mindoro.

Ayon kay Mayor, naglalayag ang cargo vessel mula sa timog nang hindi nito mapansin ang bangka ni Albufera.

Habang isinusulat ang balitang ito ay hinahanap pa ang katawan ni Albufera, habang dumiretso naman pahilaga ang cargo vessel na mistulang hindi batid ang aksidente. (Jerry J. Alcayde)