CALAMBA CITY, Laguna - Sa mismong himpilan ng pulisya inaresto ang isang pulis na kinasuhan ng panggagahasa sa isang 23-anyos na babae.

Kinilala nina PO2 Christopher John Lu Chupeco at PO1 Karl Michael Maitim Anzo, ng Calamba City Police, ang suspek na si SPO3 Ronald Sherwin Canson, nakatalaga rin sa nabanggit na istasyon at residente ng Tibag, Barangay 2, Calamba.

Sa reklamo ng biktima, nangyari ang pang-aabuso nitong Miyerkules nang bisitahin niya ang kanyang ama na nakapiit sa lungsod.

Ayon kay PO2 Cristina Tolentino, inimbitahan ng suspek ang biktima na sumabay sa kanya ngunit dinala ang babae sa hotel.

Probinsya

5 buwang sanggol, natabunan sa landslide sa Davao City

Sa hotel, tumangging pumasok ang biktima ngunit pinilit umano siyang papasukin ng suspek at doon inabuso.

Ipinangako umano ng pulis na tutulungan ang biktima na resolbahin ang kaso ng kanyang ama.

Sinabi pa ng biktima na habang sila ay bumibiyahe mula sa Bgy. Pansol patungo sa Bgy. Halang, nagkaroon siya ng pagkakataon na makababa mula sa sasakyan ng suspek at nagtatakbo siya upang kaagad na makahingi ng tulong.

(Danny J. Estacio)