“ANG kasamahan ko sa Senado,” wika ni Sen. Panfilo Lacson, “na patuloy na sinasalungat ang proklamasyon ng martial law, kung hindi naiintindihan ang kalubhaan sa seguridad sa Katimugan ng rebelyon, sila ay sadyang laban sa anumang gawin ng Pangulo.” Kung hindi, aniya, sapat na dahilan ang ipinakita ng nakuhang video para suportahan ang militar sa ilalim ng kanilang Commander-in-Chief, hindi na niya alam kung ano ito. Ang video na pinagbatayan ni Sen. Lacson at ng 16 niyang kasamang senador para ipasa ang resolusyong kumakatig sa Pangulo sa pagdeklara ng martial law at pagsuspinde sa writ of habeas corpus sa Mindanao ay nagpapakita ng pagpaplano ni Abu Sayyaf leader Isnilon Hapilon na salakayin ang Kapitolyo ng Lanao del Sur. Inilabas ang video kamakailan sa Senado nang magpaliwanag dito ang mga opisyal ng administrasyon ukol sa ginawa ng Pangulo.
Rebelyon na ba ito? Sapat ba ang lakas ng grupo ni Hapilon para isagawa ang plano para salakayin at kubkubin ang Marawi o Lanao del Sur o kaya ang buong Mindanao? Kaya hindi nakumbinse ang mga senador na hindi lumagda sa resolusyon ay hindi dahil sadyang tutol sila sa anumang gawin ng Pangulo. Kasi, mismong sa Senate security briefing kung saan inilabas itong video ay tinanong ni Sen. Trillanes si DND Secretary Lorenzana kung kayang lupigin ng mga sundalo at ng mga pulis ang mga rebelde kahit walang martial law, eh ang sagot niya ay kaya. Bakit nga naman hindi kakayanin kahit walang martial law, wala namang makapipigil sa militar at pulis sa kanilang ginagawa ngayon.
Kailangan ba ang martial law para paulanan ng bala ang lugar na sa paniniwala ng mga sundalo ay pinamumugaran ng mga kalaban? Kailangan ba ang martial law para gamitin ang buong lakas ng AFP laban sa grupo ng Maute, Abu Sayyaf o mga kaalyado nitong nakaugnay sa ISIS gaya ng air strike na ginagawa ngayon? Ginawa ang mga ito noong panahon ni dating Pangulong Erap nang tangkain niyang pulbusin ang Abu Sayyaf at ni dating Pangulong Gloria sa Zamboanga Siege, pero hindi sila nagdeklara ng martial law.
Sa nangyayari ngayon na umiiral ang martial law sa Mindanao, marami na ang nasawi. Ang mabigat na dalhin sa dibdib ay maraming sibilyan ang iniiwan ang kanilang tahanan sa takot na mapahamak. Sila ay nasa mga evacuation center na nagugutom at nagkakasakit. May mga iba na kahit humupa man ang bakbakan ay wala nang babalikang bahay dahil giniba na ang mga ito ng bala at bomba.
Ginagamit pa ng militar ang martial law at suspension ng writ of habeas corpus upang proteksiyunan ang dayuhang kapitalista laban sa mga manggagawa nito sa banana plantation sa Compostela Valley. Ipinababawi ng Kilusang Mayo Uno ang martial law dahil ang 12 sa mga miyembro nito at mga taga-suporta, kasama ang mga bata at matanda, ay nasugatan nang buwagin ng mga sundalo at pulis ang welga ng mga manggagawa laban sa contractualization at union-busting sa Shin Sun Tropical Fruit Corp na pag-aari ng Koreano. Inaresto pa nila ang mga nagwewelgang manggagawa. Iyong bang video ng pulong ng mga terorista na kasama si Hapilon ay sapat na batayan para sa malawakang paglabag sa karapatang pantao sa lugar na sinakop ng martial law, lalo na sa Marawi? Hindi ako sumasang-ayon sa 17 senador. (Ric Valmonte)