Kalaboso ang isang tauhan ng Philippine Army at kalaguyo niyang babae makaraan silang maaktuhan ng mister ng huli, at kapwa niya sundalo, na magkasama sa silid ng isang motel sa Zamboanga City, nitong Martes ng gabi.
Sinabi ni Supt. Nonito Asdai, hepe ng Zamboanga City Police-Station 6, na dakong 8:00 ng gabi nang humingi ng tulong sa kanila ang isang operatiba ng Philippine Air Force (PAF) matapos nitong madiskubre na kasama ng misis nito, kawani ng Zamboanga City government, ang umano’y karelasyon na isang sundalo rin.
Nabatid na nag-check in ang dalawa sa isang motel sa Barangay Tetuan ngunit nasunduan sila ng mister ng babae—at kasama ang mga pulis ay sapilitang binuksan ang pinto at nahuli umanong nagtatalik ang dalawa. (Fer Taboy)