DAVAO CITY – Itinanggi ni Cayamora Maute, ang 67-anyos na ama ng Maute Brothers at sinasabing pinuno ng mga terorista, na may kinalaman siya sa Maute Group.

Sa panayam ng mga mamamahayag sa Davao City Police Office (DCPO) nitong Martes ng gabi, inamin ni Cayamora na siya ang ama nina Abdullah at Omar Maute, kapwa leader ng Maute Group.

Gayunman, sinabi niyang matagal na niyang hindi nakikita ang kanyang mga anak.

“Ngayong taon… hindi ko maalala (kung kailan ko sila huling nakita),” ani Cayamora, na naaresto sa checkpoint, kasama ang ilang kaanak, sa Sirawan, Toril sa Davao City, bandang 10:00 ng umaga nitong Martes.

National

Aurora, niyanig ng 5.1-magnitude na lindol

Iginiit din ni Cayamora na hindi siya nakipagkita sa dalawang anak sa Marawi, na nilisan niya nitong Linggo, ang ika-12 araw ng bakbakan.

“Hindi ako kasama sa grupo nila. Kapangalan lang,” aniya.

Maya’t mayang iniihit ng ubo, ang mistulang nanghihinang si Cayamora ay may iniinda ring diabetes.

Iginiit din ni Cayamora na nais niyang magkaroon na ng tigil-putukan ang militar at ang Maute Group sa Marawi.

“Walang kapalit ang katahimikan sa Lanao, kailangang walang gulo kaya kung mangyari, may longer ceasefire,” aniya.

(Antonio L. Colina IV)