BATANGAS - Kapwa patay ang dalawang dating pulis matapos umanong manlaban sa mga awtoridad sa isinagawang operasyon kontra droga sa Batangas City at sa Laurel sa Batangas.
Iniulat kahapon ng Batangas Police Provincial Office (BPPO) ang pagkamatay ni PO1 Francisco Bacayo, na dead on arrival sa Batangas Medical Center.
Dakong 10:35 ng gabi nitong Martes nang magpaputok umano si Bacayo sa mga operatiba ng Batangas City Drugs Enforcement Team (CDET) sa buy-bust operation sa Barangay Bolbok.
Narekober umano ng pulisya mula sa suspek ang isang .45 caliber pistol at 12 sachet ng hinihinalang shabu.
Nauna rito, dakong 2:45 ng hapon naman nang napatay sa engkuwentro si dating PO2 Rolando Rodriguez, 38, matapos manlaban nang magsilbi ng arrest warrant ang mga operatiba ng BPPO at Laurel Police.
Ayon kay Senior Insp. Nephtali Solomon, hepe ng Laurel Police, nahaharap sa dalawang bilang ng murder at dalawang bilang ng frustrated murder si Rodriguez, na sangkot din umano sa pagkamatay ni Nestorio Rodriguez, chairman ng Bgy. Buso-Buso, Laurel at asawa nito sa Bgy. Gulod noong Pebrero 2014. (Lyka Manalo)