MAKALIPAS ang halos tatlong oras kong paglilibot sa mga bangketa sa Cubao, Quezon City na umabot pa hanggang Sta. Cruz at Quiapo sa Maynila sa pamamagitan ng pagsakay sa LRT, ‘di ko na halos matandaan kung ilang beses ako nakasalubong ng mga pulubing isinasangkalan ang walang malay at kaawa-awang mga sanggol para lamang kumita ng pera.
Bagamat alam kong ito ay isang gimik lamang o kaya naman ay kagagawan ng sindikato, gaya ng paniniwala ng mga taong kumastigo sa akin sa pag-aabot ko ng konting tulong sa mga namamalimos na may kargang bata, ay makailang ulit pa rin akong nagpaluwal ng pera sa mga “Madonna & Child” na ito. Bulong ko sa aking sarili: “Eh mano ba, konting halaga para maging kumportable si baby kahit manlang ilang minuto.”
Napansin ko kasi, kapag naaabutan ng medyo malaki-laking halaga ‘yung mga namamalimos, agad silang tumatakbo sa malilim na lugar, naghahanap ng makakain, saka magre-relax muna ng ilang minuto – oh ‘di ba pati si baby maaambunan ng konting ginhawa!
Isa pa sa mga paulit-ulit na ginagawa ng pulubi ay ‘yung biglang tatayo at maglalakad nang mabilis palayo sa kanilang puwesto kapag may nakitang unipormadong sikyo na papalapit sa kanila. May pulubi nga akong natanaw na natiyempuhan ng isang naglilibot na sikyo sa lugar, at sa wari ko’y nakatikim ng sermong pabulyaw bago tuluyang itinaboy…ngunit saglit lang iyon, pagtalikod ng sikyo, makalipas ang ilang minuto, balik uli sa kanyang puwesto ang pulubi.
Kaya, tuwing may nakikita akong sikyo, agad kong nilalapitan at inuusisa kung ano ang kanilang ginagawa sa mga pulubing ito na pawang may bitbit na sanggol na naglipana sa mga bangketa sa Cubao, Quiapo at Sta. Cruz – at ang kanilang sagot ay gaya rin sa mga taong sumita sa akin sa pagbibigay ng “pang-gatas” ng bata: “SINDIKATO ang mga ‘yan ‘di dapat limusan.”
Kapag marami na raw sumbong at reklamong natatanggap ang mga pulis, nag-o-operate sila, dinadampot ang mga pulubi na ‘di naman nila maikukulong. Kung minsan, pinapakain muna ng mga pulis sa presinto ang mga pulubi bago itini-turn over sa pinakamalapit na sangay ng DSWD sa lugar…makaraan ang ilang oras o araw ay pakakawalan din, kasi nga wala naman daw silang budget para ampunin ang mga pulubing ito – kaya siguradong makaraan lang ang ilang araw, balik-bangketa na naman sila – at siyempre pa, kasama uli si BABY na ipinangangalakal para kumita!
Ang ‘di ko makalimutang kuwento ay ang binatilyong nagtitinda ng sigarilyo na tinatawag ng mga kostumer nilang drayber na mga “takatak boys” – minsan daw ay natiyempuhan niyang bumababa sa isang van ang mga pulubing may mga kargang baby bago naghiwa-hiwalay patungo sa kani-kanilang puwesto. Naisipan niya raw bantayan ‘yung isang nakapuwesto malapit sa lugar niya. Sinubaybayan niya raw ang kilos nito buong maghapon, hanggang sa pag-uwi nito – nainggit daw siya sa mga pulubi kasi mukhang mas marami silang kita at “hatid at sundo” pa pala ang mga ito!
Bilib talaga ako sa takatak boy na ito – naisip pa niyang gawin ang ‘di man lang yata pumapasok sa kokote ng mga kaibigan nating pulis na nagroronda sa mga bangketa sa Metro Manila…huwag naman puro RA 1602 ang tutukan. Dalas-dalasan din naman ang para sa bayan!
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)