HINDI tayo dapat mamalaging bayan ng mga empleyado.
Ito ang sumagi sa aking isip sa pagbubukas ng isa na namang taon ng pagtuturo sa mga kabataang Pilipino upang mamuno sa bayan sa kinabukasan.
Sa buong panahon ng aking buhay sa propesyon at pulitika ay naniniwala ako na ang solusyon sa marami nating suliranin sa kaunlaran ay ang pagiging entrepreneur ng ating mga mamamayan.
Noong 2010, nakaranas ako ng isang tila muling pagsilang o renaissance. Isang araw pagkatapos matalo sa halalan, pinangunahan ko na ang pulong ng mga opisyal ng Vista Land at sinabi kong handa na akong bumalik sa kumpanya pagkatapos ng dalawang dekada ng paglilingkod sa bayan.
Naganap ang aktuwal ng pagbabalik sa Vista Land noong 2013, pagkatapos ng aking pangalawang termino sa Senado.
Maaaring isipin na medyo may kalawang na ako sa pagbabalik sa pribadong sektor. Ngunit taliwas dito ang nangyari.
Agad nabuhay ang aking pag-ibig sa pagnenegosyo. Parang isang reunion na aking kinasabikan at ang pakiramdam ko ay iyon ang unang araw ng aking pagtatrabaho.
Sa pagbabalik ko sa negosyo, naging iba ang pagtingin ko sa daigdig. Inihahambing ko ito sa panonood sa telebisyon. Malabo ang aking paningin noong ako ay nasa pulitika, parang puti at itim lamang. Sa pagnenegosyo, nakikita ko ang daigdig ng buong linaw at puno ng kulay.
Ito ang diwa ng pagnenegosyo na nagpapakilos sa akin. Madali sanang magretiro na lamang ngunit may bagong hamon na nagtutulak sa akin. Umaalis ako ng bahay ng alas-singko ng umaga upang pumasok sa opisina. Ang sa akin ay trabahong 24/7. Kahit Linggo, pagkatapos mag-ehersisyo at mag-almusal, sinisimulan ko na ang aking mga pulong.
Para sa akin, ang pagnenegosyo ay nakatutuwa. May nabasa akong artikulo noon na nagsasabing maraming manggagawa ang hindi maligaya sa kanilang trabaho. Ang payo ko: magtayo ng sariling negosyo at maging maligaya bilang sariling amo.
Ang aming mga kumpanya ang aming sariling likha, buhay na buhay at patuloy sa pag-unlad. Ito ang dahilan kung bakit nabubuhay ako at mamamatay bilang entrepreneur.
Naniniwala ako na ang pagiging entreprenor ang susi sa tagumpay ng isang tao at kaunlaran ng bayan. Ngunit sa kabila ng maraming kuwento ng tagumpay, patuloy pa rin ang sistema ng lipunan na sanayin ang mga kabataan bilang mga empleyado.
Sa kasalukuyang sistema, pinag-aaral ng mga magulang ang kanilang mga anak kahit sa ibang bansa para lamang maging empleyado, at ang pangunahing pangarap ay maging empleyado ng mga kilalang kumpanya.
Sa pangkalahatan, negatibo ang pagtingin ng mga Pilipino sa mga entrepreneur. Bilang pinuno ng negosyo, tinanghal akong “Ten Outstanding Young Men” awardee bago ako naging pulitiko at nakilala lamang ako ng publiko nang ako ay maging congressman.
Ang tagumpay ay ang pagtatayo ng isang negosyo na ang puhunan ay sariling pawis, dugo at luha. Kapag nakapagtayo ka ng isang negosyo na magbibigay ng kita sa iyo, magbibigay ng trabaho sa ibang tao at makatutulong sa bayan – ito ang tunay na tagumpay. Ito ang pangarap ng Pilipino.
(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph) (Manny Villar)