DAVAO CITY – Nakaisip ng paraan ang isang barangay sa Davao City upang matigil na ang pagkalat ng mga mapanirang tsismis at pekeng balita sa kanilang lugar.

Isinusulong ng isang barangay sa siyudad na gawing krimen ang pagtsitsismis.

Sa liham na isinumite sa konseho, isinusulong ng Barangay Vicente Hizon na gawing ilegal ang pagtsitsismis sa kanilang lugar.

Alinsunod sa Barangay Ordinance No. 5, series of 2016, o Anti-Gossip Ordinance ng Bgy. Vicente Hizon, Sr., pagmumultahin ang tsismosa o tsismoso ng P300 sa unang paglabag, na maaaring umabot sa P1,000 sa paulit-ulit na paglabag.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Maaari ring maharap sa 24-100 oras na community service ang mga mapatutunayang nagkakalat ng tsismis.

Ang makokolektang multa, batay sa panukala, ay diretsong mapupunta sa pondo ng barangay, at iisyuhan ng barangay treasurer ng resibo ang tsismosa o tsismoso.

Batay sa mga dokumento mula sa konseho, nakapagdaos na ng pagdinig ang komite ng barangay simula Disyembre 2016 hanggang Marso 2017.

“The purpose of this ordinance is to help maintain peace and order among families and neighbors, as those proven to be spreading lies are fined and required to render community service,” saad sa liham ni Ralph Abella, chairman ng Bgy. Vicente Hizon, sa konseho. (Yas D. Ocampo)