MALIIT lamang at halos hinahamak ang posisyon ni Rene Ordoñez sa pinaglilingkuran naming kompanya—ang dating Liwayway Publishing Incorporated (LPI), kapatid na kompanya ng Manila Bulletin Publishing Corporation. Isa lamang siyang mensahero o messenger subalit ang ginampanan niyang tungkulin sa naturang kompanya ay hindi matatawaran; ang nasabing misyon ay ginampanan niya nang buong katapatan hanggang sa siya ay sumakabilang-buhay kamakailan dahil sa massive heart attack.
Hindi maililihim ang kanyang mga opisyal at personal na paglilingkod sa kompanya—sa mga opisyal at kawani nito. Siya ang naghahatid ng makabuluhang mga dokumento kaugnay ng mga lehitimong transaksiyon ng LPI at ng iba’t ibang tanggapan ng gobyerno, tulad ng Department of Education (DepEd), dating Department of Education Culture and Sports (DECS).
Ang nabanggit na mga transaksiyon ay kinapapalooban ng pagtangkilik at pagbili ng mga magasin at iba pang babasahin na inilalathala ng LPI, ang naturang mga publikasyon ang naging kaagapay ng DepEd sa pagbibigay ng makatuturang impormasyon sa mga mag-aaral, lalo na ang mga aralin hinggil sa iba’t ibang larangan ng edukasyon. Si Rene ang naghahatid ng kailangang mga dokumento tungkol sa gayong transaksiyon na nagpapaunlad sa LPI at para rin sa kapakinabangan ng mga empleyado.
Pati ang paghahatid ng mahahalagang dokumento sa mga husgado tungkol sa mga asuntong libelo na kinakaharap ng aming mga editor at reporter ay bahagi rin ng misyon ni Rene. May pagkakataon na siya ang inaatasan ng aming company lawyer na humingi ng pagpapaliban o postponement ng paglilitis. Katunayan, may pagkakataon din na siya ang pinagkatiwalaan ng kompanya na magbayad ng piyansa para sa aming pansamantalang paglaya kaugnay ng libel case na... isinampa laban sa akin bilang editor ng pahayagang ito.
Bagamat hindi na marapat na idetalye, marami ring pagkakataon na siya ay gumanap ng mga personal na serbisyo para sa ilang opisyal at kawani—mga tungkulin na labas na sa kanyang gawain bilang company messenger; mga misyon ito na natitiyak kong ipinagpasalamat naman ng mga kinauukulan.
Isa ring malaking kawalan ng utang na loob kung hindi ko tatanawin ang mga serbisyo ni Rene nang ako ay kumandidato bilang presidente ng National Press Club. Hindi rin isang kalabisang banggitin na tatlong beses akong sinamahan at binantayan niya sa iba’t ibang ospital dahil sa iba’t ibang karamdaman.
Isang madamdaming pakikidalamhati sa iyong mga naulilang mahal sa buhay. Sumalangit nawa ang iyong kaluluwa, Rene.
(Celo Lagmay)