Timbuwang ang isang drug suspect matapos umano nitong makipagbarilan sa mga pulis sa buy-bust operation sa Binondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang napatay na si alyas “Gerald,” kilala umanong tulak ng ilegal na droga sa Delpan at Sta. Cruz area, ayon sa awtoridad.
Base sa inisyal na imbestigasyon, nagsagawa ng pekeng transaksiyon ang anti-narcotics team ng Meisic police station laban kay Gerald, sa kahabaan ng Pobleto at Pin-Pin Street, bandang 1:12 ng madaling araw.
Naiulat na nakatunog si Gerald na pulis ang kanyang katransaksiyon matapos iabot ang P200 marked money.
Sa pagtatangkang makalusot sa pag-aresto, pinaputukan ni Gerald, gamit ang .45 caliber pistol, ang mga pulis ngunit wala siyang tinamaan kahit isa.
Dito na napilitan ang mga operatiba na paputukan si Gerald na naging sanhi ng kanyang pagkamatay. Isinugod pa sa ospital ang suspek ngunit patay na ito.
Nakuha sa suspek ang kanyang baril, tatlong pakete ng hinihinalang shabu, at marked money na ginamit sa operasyon.
Patuloy ang pagsasagawa ng follow-up investigation, ayon sa awtoridad. (Analou De Vera)