TACURONG CITY, Sultan Kudarat – Wala pa ring malinaw na motibong natutukoy ang pulisya sa pagpatay sa tatlong tao na pinagbabaril at natagpuang wala nang buhay sa loob ng isang puting Ford Ranger na nakaparada sa Purok Barangay Silang sa Barangay EJC Montilla, Tacurong City, Sultan Kudarat, nitong Sabado ng hapon.

Pawang nagtamo ng mga tama ng bala ng .45 caliber pistol at .9mm pistol sa iba’t ibang bahagi ng katawan sina Rebecca Ali y Ukas, 39, may asawa, self-employed, at nakatira sa Cotabato City; Datu Danilo Dasan y Bucong, 48, may asawa, ng General Santos City; at Jose Michael Santiago y Derecho, 38, driver, ng Santo Niño, South Cotabato.

Ayon sa ilang testigo, unang nakita ang Ranger na nakaparada sa isang bahagi ng basketball court sa lugar, hanggang lumipat ng puwesto sa lugar at doon na narinig umano ang sunud-sunod na putok ng baril.

Pagkatapos, lumabas umano mula sa sasakyan ang dalawang hindi kilalang lalaki at umangkas sa dalawang motorcycle rider na naghihintay sa kanila bago humarurot patungo sa karatig na barangay ng New Lagao.

Probinsya

Pusa hinagis sa dagat para sa content; dalawang menor de edad, timbog

Nakuha sa crime scene ang dalawang cell phone, pera, mga ID, at ilang gamit bagamat nawawala ang itim na sling bag ni Dasan na naglalaman ng ATM, passbook at iba pang mahahalagang gamit.

Sinabi naman ni SPO2 Jasper Garcia, Enero 2017 nang makaligtas sa pamamaril ang isa sa mga biktimang si Dasan.

(Leo P. Diaz)