PATULOY ang pamamayagpag ng Chiang Kai Shel Blue Dragons at San Beda-Rizal Red Cubs sa isa pang dominanateng panalo nitong Huwebes sa junior division ng 23rd Fr. Martin Cup Summer Basketball tournament.

Ratsada si Jason Celis sa naiskor na 23 puntos para sandigan ang Blue Dragons sa 90-70 panalo kontra St. Patrick School sa San Beda-Manila gymnasium sa Mendiola.

Kumubra naman si Eduardo Velasquez ng 13 puntos sa 78-68 pananaig ng Red Cubs kontra Letran Squires sa torneo na itinataguyod ng Armor On Sportswear.

Bunsod ng panalo, sigurado na ang Blue Dragons sa semifinals sa Group A tangan ang impresibong 7-0 karta. Nakamit naman ng Red Cubs ang ikaanim na sunod na panalo para manguna sa Group B.

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

Naunang nagapi ng Blue Dragons ang San Beda-Alabang, 87-44, at Manila Patriotic School, 111-77.

Giniba naman ng Red Cubs ang St. Patrick School, 95-37, at University of Perpetual Help Junior Altas, 85-82.

Sa iba pang laro, namayani ang National University Bullpups sa Rich Golden School Montessori, 92-58, para mahila ang marka sa 5-1 sa Group B.

Umiskor naman si Rhayniel David ng 10 puntos para sa Squires sa 77-72 panalo kontra Hope Christian School sa Group B.

Kumana ng 28 puntos si MacChester Jacon para sandigan ang Hope Christian School kontra RGSM, 89-67, habang namayani ang San Sebastian Staglets kontra MPS, 94-79.