Iniimbestigahan na ng Parañaque City Police ang umano’y Sputnik Gang member na nakumpiskahan ng mga baril, hinihinalang shabu at drug paraphernalia sa kanyang bahay sa lungsod nitong Martes.

Kasalukuyang nakakulong si Rannie Tamayo y Durango, 40, ng Tamayo Compound, Sta. Cecilia Street, Parañaque City.

Sa ulat ni Senior Supt. Jemar Modequillo, hepe ng Parañaque City Police, dakong 5:30 ng hapon inaresto ng mga pulis, sa pangunguna ni Chief Insp. Michael Chavez ng Police Community Precinct (PCP) 5, ang suspek sa kanyang bahay.

Sa bisa ng search warrant, malayang ginalugad ng mga pulis ang bahay ni Tamayo at narekober ang dalawang pirasong cal. 38 revolver, tatlong unserviceable/defective cal. 38 revolver, siyam na pakete ng hinihinalang shabu, isang digital weighing scale at drug paraphernalia.

National

Ka Leody, Luke Espiritu, tatakbong senador sa 2025

Nakatakdang sampahan si Tamayo ng mga kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at Illegal Possession of Firearms. (Bella Gamotea)